Panandang pangkasaysayan ng Marcelo H. Del Pilar National High School, binuksan sa Malolos
Angelo Calixtro March 10, 2026 at 06:09 PM
MALOLOS, Bulacan — Pormal na pinasinayaan ngayong Martes, Marso 10, 2026, ang panandang pangkasaysayan ng Marcelo H. Del Pilar National High School sa Malolos, Bulacan bilang pagkilala sa mahigit isang siglong ambag nito sa edukasyon sa lalawigan.
Pinangunahan ang seremonya ng paghahawi ng tabing at pormal na pagtanggap sa marker nina Carminda Arevalo, Executive Director ng National Historical Commission of the Philippines, at Victoria Vivo, Principal ng MHPNHS.
Ayon sa tala ng kasaysayan, itinatag ang MHPNHS noong 1903 sa bayan ng Baliwag ng mga Thomasites. Inilipat ito sa Malolos kasabay ng pagkakahirang sa lungsod bilang kabisera ng lalawigan noong 1906.
Noong ikalawang digmaang pandaigidig, ginamit ang naturang gusali ng mga Hapones at kalauna’y sinunog ito. Sa pagkakataon na ito, inilipat ang mga klase sa Casa real de Malolos at sa mga malalapit na mababang paaralan hanggang 1944.
Matapos ang World War II, ipinangalan ito sa bayaning Bulakenyo at propagansitang si Marcelo H. Del Pilar.
Sa ngayon, matatag at nagpapanday ng karunungan ang MHPNHS ng mga kabataang Malolenyo bitbit ang diwa, dangal, at dunong sa kanilang mga buhay.
📷 National Historical Commission of the Philippines FB