Teenage Pregnancy Prevention, sentro ng diskusyon ng mga mag-aaral sa Malolos
Angelo Calixtro February 11, 2026 at 02:54 PM
MALOLOS CITY — Naging sentro ng isang Focus Group Discussion (FGD) ang usapin ng Teenage Pregnancy Prevention na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa labing-anim (16) na paaralan sa Lungsod ng Malolos nitong Pebrero 10.
Layunin ng FGD na palalimin ang kaalaman at kamalayan ng kabataan hinggil sa mga isyu ng maagang pagbubuntis, gayundin ang pagbibigay-halaga sa responsableng pagdedesisyon at pagtataguyod ng isang ligtas at may malasakit na lipunan.
Ang naturang talakayan ay bahagi ng paghahanda para sa isasagawang Film Competition na pangungunahan ng Population Welfare Division katuwang ang Information Division ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos.
Sa pamamagitan ng malikhaing medium, inaasahan na mas epektibong maipapahayag ng mga kabataan ang mensahe tungkol sa teenage pregnancy.
Taunang isinasagawa ng dalawang dibisyon ang ganitong aktibidad bilang bahagi ng malawakang kampanya sa impormasyon at edukasyon, na naglalayong ipaalala ang mga epekto ng maagang pagbubuntis at hikayatin ang kabataan na maging mas maingat, responsable, at may sapat na kaalaman sa mga isyung may kinalaman sa kanilang kalusugan at kinabukasan.
📷 Malolos City Information Office FB