Ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Tahanan ng Pagmamahal, mas pinatatag
Angelo Calixtro February 26, 2026 at 11:34 PM
PASIG CITY — Mas pinagtibay ng Pasig ang pakikipagtulungan nito sa Tahanan ng Pagmamahal Children’s Home Inc. matapos igawad ang Certificate of Recognition sa naturang institusyon noong Pebrero 23, 2026, sa isinagawang flag-raising ceremony sa temporary Pasig City Hall.
Ang Tahanan ng Pagmamahal ay isang non-government organization (NGO) na nakabase sa Pasig na nagbibigay ng pansamantalang tirahan, pagkain, damit, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga batang nasa panganib (children at risk) at mga batang nangangailangan ng espesyal na proteksyon.
Kabilang din sa kanilang serbisyo ang case management at paghahanda sa mga bata para sa adoption at iba pang alternative child care arrangements.
Ang pagkilala ay ibinigay matapos makapasa ang institusyon sa isinagawang certification assessment ng National Authority for Child Care sa pamamagitan ng Regional Alternative Child Care Office-NCR noong Nobyembre 17, 2025.
Nakamit ng Tahanan ng Pagmamahal ang 92.77 porsiyentong compliance rating—isang mataas na marka na nagpatunay sa pagsunod nito sa itinakdang pamantayan ng pangangalaga at proteksyon para sa mga bata.
Bunga nito, pormal na iginawad sa organisasyon ang Full Certification at Certificate of Recognition na may bisa sa loob ng tatlong taon.
Ayon sa mga opisyal, ang sertipikasyong ito ay indikasyon ng patuloy at mataas na kalidad ng serbisyong ibinibigay ng institusyon sa mga batang nangangailangan ng adoption at alternative child care.
Sa ilalim ng Pasig City Resolution No. 86-11, s. 2024, pormal na pinagtibay ang pakikipag-ugnayan ng lungsod sa Tahanan ng Pagmamahal, sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), upang matiyak ang maayos na implementasyon ng mga serbisyo para sa mga batang Pasigueño na higit na nangangailangan ng proteksyon at gabay.
📷 Pasig City Public Information Office