Valenzuela, nagsagawa ng storytelling at book launching para sa Ika-3 Anibersaryo ng ValACE
Angelo Calixtro March 3, 2026 at 06:58 PM
VALENZUELA CITY — Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, sa pamamagitan ng Valenzuela City Academic Center for Excellence (ValACE), ang isang storytelling session at book launch tampok sina Mrs. Tiffany Gatchalian at Mrs. Elvira “Tootsy” Angara noong Pebrero 28, 2026.
Bilang proponent ng programa, pinangunahan ni Mayor Gatchalian ang naturang aktibidad na layong palakasin ang kultura ng pagbasa at malikhaing pagsulat sa lungsod.
Tampok sa programa ang paglulunsad ng aklat na Ang Taling Hindi Maitali, bunga ng kauna-unahang Story Writing Contest at Guguhit Ako Illustration Contest ng ValACE. Isinagawa rin ang paggawad ng parangal sa mga nagwagi sa ika-3 Liham Para Kay Nanay at Tatay.
Binigyang-diin ni Mrs. Angara, na kilala sa kanyang adbokasiya sa malikhaing pagkukuwento, ang kahalagahan ng paghubog ng lokal na talento at ang papel ng storytelling sa paglinang ng imahinasyon at pag-unlad ng mga bata.
Aniya, ang mga ganitong programa ay nagsisilbing plataporma upang maipamalas ng kabataan ang kanilang kakayahan sa pagsulat at sining.
Nagbigay rin ng espesyal na mensahe ng pagtanggap si Mayor Wes Gatchalian kay Ramon P. Santos, Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika, na nagbahagi ng makabuluhang talakayan bilang bahagi ng Literacy and Arts Festival ng ValACE.
Bahagi ang aktibidad sa pagdiriwang ng ika-3 anibersaryo ng ValACE, na patuloy na nagsusulong ng literasiya, pagkamalikhain, at kahusayan sa kultura sa Valenzuela City.
Ayon sa pamahalaang lungsod, patunay ito ng kanilang tuloy-tuloy na pagsuporta sa mga programang pang-edukasyon at pansining para sa kabataan.
📷 Valenzuela City