105 na barangay sa Caloocan, COVID-19 free na
Ace Cruz July 15, 2021 at 03:53 AM
Masayang ibinahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na isandaan at limang barangay sa siyudad ay ‘COVID-19 FREE’ na.
Sa inilabas na abiso ng City Health Department ng Caloocan, hindi bababa sa 105 na mga barangay sa lungsod na idineklara nang ‘COVID-19 FREE’ na o wala nang naitatalang bagong kaso ng coronavirus.
Ibig sabihin, 55.85% na ng kabuuang bilang ng mga barangay sa lungsod ang walang active cases ng COVID 19 o tanging 83 barangay na lamang ang nananatiling may kaso ng virus.

Ayon naman kay Caloocan City Mayor Oca Malapitan, ang mga naitalang ‘COVID-19 FREE’ barangay ay bunga ng pagtutulungan ng bawat isa lalo na ang pagtalima ng mga residente ng Caloocan sa umiiral na health protocols.
“Alam kong pagod na pagod na ang lahat subalit hindi kayo sumusuko at patuloy na ginagampanan ang tungkulin. Maraming maraming salamat sa pagmamalasakit sa mga mamamayan ng Caloocan,” pahayag ni Mayor Malapitan.
Sa kabila nito, ipinapaalala pa rin ng alkalde ang patuloy na pag-iingat ng mamamayan ng Caloocan lalo na sa banta ng mga bagong variant ng COVID-19 gaya ng delta variant na pinaniniwalaang mas nakahahawa.
“Huwag nating hintayin na magkaroon ng Delta variant sa ating lungsod. Huwag tayong magpakampante, patuloy tayong mag-ingat at hanggat maaari ay magpabakuna na para may panlaban tayo sa sakit,” ayon pa kay Mayor Malapitan.
Photo courtesy of Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan Fb Page