111 buntis, dumalo sa ‘Buntis Congress’ sa Valenzuela
Angelo Calixtro March 18, 2026 at 11:58 PM
VALENZUELA CITY — Umabot sa 111 buntis ang dumalo sa taunang “Buntis Congress” na isinagawa ng City Health Office noong Marso 13 sa ALERT Center Multi-purpose Hall, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Isinagawa ang aktibidad katuwang ang Lifestrong Marketing Inc., Haleon, Nurture Med, Prosel Pharma, at Unilab, na naglalayong palakasin ang kamalayan at adbokasiya para sa ligtas at malusog na pagbubuntis.
Ayon sa City Health Office, tampok sa programa ang mga talakayan hinggil sa wastong pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis at ang kahalagahan ng ligtas na panganganak.
Pitong kinatawan mula sa mga lying-in clinic ng lungsod ang lumahok din sa isang paligsahan na nagbigay-diin sa lakas, ganda, at katatagan ng mga ina.
Bahagi ang programa ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mapabuti ang kalusugan ng mga ina at masuportahan sila sa buong panahon ng kanilang pagbubuntis.
📷 Valenzuela City FB