20 gasolinahan sa Bocaue ininspeksyon ng pulisya sa price monitoring
Angelo Calixtro March 9, 2026 at 06:17 PM
BOCAUE, Bulacan — Nagsagawa ng price monitoring at inspeksyon ang mga tauhan ng Bocaue Municipal Police Station (MPS) sa mga gasoline station sa bayan upang matiyak ang pagsunod sa pinakahuling fuel price adjustments ng Department of Energy (DOE).
Isinagawa ang aktibidad mula 8:00 ng gabi ng Marso 7 hanggang Marso 8, 2026 sa pamumuno ni PLt. Col. Gilbert Diaz, acting Chief of Police ng Bocaue.
Sa 20 gasoline station na matatagpuan sa bayan, lahat ay nainspeksyon ng pulisya. Sinuri ng mga awtoridad ang mga nakapaskil na presyo ng gasolina, diesel at kerosene sa mga fuel pump at nakipag-ugnayan sa mga personnel ng bawat istasyon.
Batay sa isinagawang monitoring, maayos na ipinapakita ng mga gasolinahan ang kanilang presyo at sumusunod ang mga ito sa kasalukuyang price advisory ng DOE. Wala ring naitalang paglabag o anumang iregularidad sa oras ng inspeksyon.
Ayon sa pulisya, layunin ng aktibidad na matiyak ang transparency sa presyo ng produktong petrolyo, maprotektahan ang mga mamimili, at masuportahan ang pagpapatupad ng mga regulasyon ng pamahalaan kaugnay ng fuel price adjustments.
Dagdag pa ng Bocaue MPS, bahagi ito ng kanilang patuloy na hakbang upang mapanatili ang kaayusan at patas na kalakalan sa mga establisimyento sa bayan.
📷 Bocaue MPS