3-buwang-gulang na sanggol na ibinebenta online, nasagip sa Baliwag; ina at mga kamag-anak, arestado
Mike Lopez February 10, 2026 at 04:01 PM
BALIWAG, Bulacan — Nasagip ng mga awtoridad ang isang tatlong buwang gulang na sanggol, na itinago sa pangalang “Baby Nene,” matapos tangkaing ibenta online sa halagang ₱130,000 sa isang entrapment operation na isinagawa noong Pebrero 4.
Arestado ang ina, tiyahin, at lola ng sanggol, pawang residente ng Barangay Poblacion, at nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Agad namang inilagay sa pansamantala at protektadong kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sanggol.
Samantala, sinabi ng Pamahalaang Lungsod ng Baliwag na paiigtingin ng City Social Welfare & Development Office ang mga information drive upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente. Hinihikayat din ang mga magulang na dumaan sa legal na proseso ng pagpapaampon kung hindi kayang alagaan ang kanilang anak.
📷 Baliwag City PIO