5 banyaga nasagip, Chinese national arestado sa human trafficking
Anna Hernandez October 30, 2024 at 08:55 PM
MAYNILA — Nasagip ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office’s Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOG) ang limang dayuhan na sinasabing ikinukulong at pwersahang pinagtatrabaho sa umano’y scam operation sa Ermita, Maynila, madaling araw ng Miyerkules.
Batay sa ulat ng RSOG kay NCRPO Director P/Major General Sidney Hernia, ang mga biktimang sina Wang Saixia, 39; Yang Lontao, 29; Ning Guobin, 32; at Kang Lei, 35, ay na-rescue mula sa isang unit sa ika-32 palapag ng isang condominium sa Sta. Monica Street, Ermita, Manila.

Tumagal mula alas 3:00 hanggang 5:00 ng madaling araw ang operasyon at inspeksyon sa nasabing silid, kung saan nadatnan din at inaresto ang pinaniniwalaang handler sa human trafficking na si Qui Tian, na isang Chinese national.
Nag-ugat ang operasyon nang idulog ng isang nagngangalang Peng Xiao, 32 sa awtoridad ang tungkol sa kaniyang nobyo na kabilang sa dumaranas ng pananakit at pananakot ng suspek upang mapilitang magtrabaho.

Pawang mga balisa ang mga biktima na nakitaan ng bakas na sila ay sinasaktan.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang nakikipag-ugnayan ang NCRPO-RSOG sa Bureau of Immigration (BI).
📷 NCRPO-PIO