5 nasawi sa sunog sa Navotas
Anna Hernandez December 14, 2024 at 09:26 PM
NAVOTAS CITY — Lima katao, kabilang ang mag-ina at tatlong kamag-anak na nakitulog lamang, ang nasawi sa isang sunog sa isang residential area sa Governor Pascual Street, Barangay San Roque, nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Sarah Constantino, 41; ang anak niyang si Xylem Lorein Constantino, 17, senior high school student sa Arellano University-Malabon; at tatlong pinsan — sina Ruthie Tongco, 12, Grade 6; Daniella Tongco, 13, Grade 8; at Kyla Jocson, 12, Grade 6.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Navotas, nagsimula ang sunog dakong alas-7:02 ng umaga at naapula pasado alas-7:53. Nang mapasok ng mga bumbero ang nasusunog na bahay sa pamamagitan ng pagbasag sa bintana, natagpuan nilang walang malay ang mga biktima. Isinugod sila sa Navotas City Hospital ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng suffocation.
Batay sa ulat, walang nakitang paso, sunog, o anumang marka sa mga katawan ng mga biktima.
Hinihinala ng BFP na nagmula ang apoy sa isang bentilador sa loob ng silid habang natutulog ang mga biktima.
Samantala, tiniyak ni Navotas Mayor John Rey Tiangco na magbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga biktima, kabilang ang pagpapalibing o cremation.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog.
📷 Franz Matthew L. Buhay