62nd Caloocan Cityhood Day ipagdiriwang sa Pebrero 16; Mga aktibidad para sa okasyon nagpapatuloy
Reggie Vizmanos February 16, 2024 at 01:41 PMIpagdiriwang ang 62nd Caloocan Citihood Day ngayong araw ng Biyernes, Pebrero 16.
Ito ay alinsunod na rin sa Republic Act 7550 (Act Declaring February 16 as Caloocan City Day) na nilagdaan noong Mayo 1992 ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Naghanda ang lokal na pamahalaan ng iba-ibang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng okasyon. Ang ilan sa mga aktibidad ay nauna nang naidaos, habang ang iba naman ay nagpapatuloy pa.
Noong Pebrero 7 ay isinagawa ang Simultaneous One-Stop-Shop Community-Based Health Services o sabayang paghahandog ng mga serbisyong pangkalusugan sa iba-ibang lugar sa lungsod tulad ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima, Urduja Village, Barangay 172; Sto. Niño Parish, Phase 1, Bagong Silang, Brgy. 176; Plaza Rizal, General Luna Street, Brgy. 16; Covered Court, Brgy. 83; Our Lady of Lourdes Parish, Camarin, Brgy. 174; at St. Joseph the Worker Parish, Barracks, Brgy. 186.
Noong Pebrero 8 naman ay inilunsad ang JUANap-buhay Love Along C-Cube: Caloocan City Grand Trade Bazaar na nagtatampok ng iba-ibang produkto at mga sorpresang inihanda ng mga tanggapan ng LGU. Tuloy-tuloy pa ito hanggang Pebrero 27.
Nitong Pebrero 9 ay nagdaos ng free concert sa Plaza Rizal, A Mabini Street, kasabay ng pagsalubong sa Chinese New Year kasama ang mga piling performers.
Sa Pebrero 11 ay inihandog ng LGU ang “Kankaloo Palooza” Family Day sa City Hall tampok ang mga palaro, mga sorpresa, papremyo, snacks, at serbisyo para sa buong pamilya.
Pebrero 12 ay inilunsad ang Week-long Free Medical Services ng Caloocan City North Medical Center (CCNMC), at magtatapos ito sa Pebrero 16.
Pebrero 14 ay isinagawa ang Kasalang Bayan kasabay ng Araw ng nga Puso kung saan ay mahigit isang libong magkasintahan ang ikinasal ng lokal na pamahalaan. Panauhing pandangal sa naturang okasyon na ginanap sa Caloocan Sports Complex si Senator Francis Tolentino.
Pebrero 16 naman ay mayroong Mega Job Fair sa SM Grand Central na pinagtulungang itaguyod ng LGU sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) at ng SM Super Malls.