900 SPES jobs handog ng Caloocan LGU; miyembro ng sindikato, rapist at mga pusher arestado ng city police
Reggie Vizmanos May 13, 2024 at 08:09 PMUmaabot sa 900 pansamantalang trabaho ang handog ng Caloocan LGU sa mga estudyante sa ilalim ng Special Program for Employment of Students (SPES).
Ayon kay Mayor Along Malapitan, ito ay bahagi ng kanilang tulong sa mga kabataan upang magkaroon ng inisyal na karanasan sa pagtatrabaho, kasabay ng pagkakaroon din nila ng oportunidad na kumita ng pera na magagamit nilang pandagdag na panggastos sa araw-araw.
Ang naturang programa ay pinangangasiwaan ng Caloocan Public Employment Services Office (PESO).
Sa iba pang balita, naaresto ng pulisya ng lungsod ang isa umanong miyembro ng notoryus na
Dacallos criminal gang na sangkot sa gunrunning, panghoholdap at pagbebenta ng iligal na droga.
Kinilala ni Caloocan City Police Station (CCPS) Chief Col. Ruben Lacuesta ang suspek na si alyas Ryan, 41 anyos, residente ng Phase 8-B, Package 1-B, Brgy. 176 Bagong Silang.
Naaresto ang suspek matapos niyang nakipag-negosasyong magbenta ng kalibre .38 revolver na baril na may tatlong bala sa isang pulis na nagpanggap na bibili ng armas.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Naaresto rin sa lungsod ang Top 4 Most Wanted Person (MWP) ng ParaƱaque City na nahaharap sa 4 counts ng kasong Statutory Rape.
Ang suspek na kinilalang si Alias Jay-Ar, 27 anyos, ay nahuli sa pinagtataguan nitong bahay sa Samson Road, Brgy. 80, Caloocan.
Isa ring Top Seven MWP ng Caloocan na nahaharap sa kasong Sexual Abuse o paglabag sa R.A 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang nahuli ng pulisya sa Kaunlaran Village, Libis Baesa, Brgy. 160, Sta. Quiteria.
Umaabot naman sa P840,000 halaga ng hinihinalang marijuana ang nasamsam sa tatlong suspek sa bahagi ng Phase 10, Brgy. 176, Bagong Silang.
Natiyempuhan ang mga suspek habang nagsasagawa ng transaksyon sa pagbebenta ng naturang mga iligal na droga na nakalagay sa isang back pack at tumitimbang ng pitong kilo.
Samantala, arestado sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Sampaguita Street, Brgy. 156, ang apat na lalaking nahulihan ng 21 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P144,160, gayundin ang isa pang lalaki sa Phase 7C, Kaagapay Road, Brgy. 176 Bagong Silang, na nahulihan din ng 4.5 gramo ng hinihinalang shabu na may SDP na P30,600.
Nahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
š· Along Malapitan FB, Northern Police District FB