Alalay sa mananakay ng LGU; Concert para kay Sen. Imee; VM Teh dumalo sa aktibidad ng Save the Children
Reggie Vizmanos November 20, 2023 at 01:45 PMDahil sa bantang panibagong tatlong-araw na welga ng mga pampublikong transportasyon sa Nobyembre 20-22 ay muling inilatag ng lokal na pamahalaan ang “Alalay sa Mananakay.”
Kabuuang 70 na rescue vehicles ang dineploy ng LGU sa North at South Caloocan upang saklolohan ang mga posibleng ma-stranded dahil sa transport strike.
Ang mga sasakyang ito ay may nakatokang lugar o ruta na pagsisilbihan at may itinakda ring pansamantalang terminal o himpilan tulad ng Phase 10 Kalayaan, Phase 9 Kaliwa, Phase 1 Simbahan, Phase 5 Kanlaon, Almar, MCU, Monumento at Plaza Rizal (Old City Hall).
Inatasan din ang Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) at Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para sa agarang pagresponde sa mga biglaang pangangailangan ng mga residente, at naglaan din ng emergency hotline numbers na 88825664, 09167976365 at 09477964372.
Samantala, umabot sa kabuuang 382,160 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng Caloocan City Police Station (CCPS) sa dalawang magkasunod na buy-bust operations nito.
Kinilala ni CCPS Chief of Police Col. Ruben Lacuesta ang unang naarestong suspek na si Alias Balat, 31-anyos na lalaki na nakatira sa Barangay 175, Camarin. Nahuli ang suspek sa buy bust operation sa bahagi ng A. Bonifacio Pag-Asa, Barangay 175 at nakumpiska sa kaniya ang 280,160 halaga ng hinihinalang shabu.
Kasunod namang naaresto sina Alias Christopher, 46 anyos, at Alias Lester, 24-anyos, ng Salmon Street, Barangay 8, sa buy bust operation na pinangunahan ni Police Captain Emmanuel Aldana ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU). Halagang P102,000 naman ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa kanila.
Sa iba pang balita, nagbigay ang lokal na pamahalaan ng Caloocan ng libreng concert para sa kaarawan ni Senator Imee Marcos.
Kasama sa ginanap na concert sa Caloocan Sports Complex ang bandang Lily (dating Callalily) gayundin ang mga entertainers/performers na sina Ronnie Liang, Zeus Collins, Nikko Natividad, Kid Yambao, Jehramae Trangia at Juliana Segovia.
Nagpamahagi rin ng papremyo katulad ng 12 computer sets, 12 tablets + pocket wifi, 12 school bags with school supplies, 12 grocery packs, 12 sack of rice (50kilos), 5 winners of 2k each, 2 winners of 5k each at isang motor (Grand Prize).
Samantala, pinangunahan ni Vice Mayor Karina Teh ang delegasyon ng LGU sa isinagawang Public Investment Program Planning Designed to Address Adolescent Pregnancy and CEFMU (Child, Early, and Forced Marriages and Unions) na inorganisa ng Save the Children-Philippines.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga opisyal at mga kawani mula sa pamahalaang lungsod ng Malabon at Navotas.
Ayon sa Save the Children – Philippines, “Child, early, forced marriage and unions (CEFMU) is a severe violation of human rights and results in threats to children’s immediate and long-term wellbeing. (Ang bata o maagang pag-aasawa o pagsasama, gayundin kung ipinilit lang ito, ay malalang paglabag sa karapatang pantao at posibleng magdulot ng hindi magandang epekto sa kalagayan ng mga bata.)
Layunin ng aktibidad na palakasin ang mga programa upang maiwasan ang tumataas na bilang ng adolescent pregnancy o pagbubuntis sa murang edad pa lang.
Photo: Along Malapitan FB, Northern Police District PIO FB, Vice Mayor Karina Teh FB