Apat na drug suspect sa Caloocan, nahuli; Mayor Malapitan, pinuri ang mga umarestong pulis
Rj Capin March 22, 2023 at 04:00 PMInaresto ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang apat na drug suspect sa dalawang magkasabay na buy-bust operation sa Barangay 95, Caloocan City noong Lunes, Marso 20.
Kinilala ni CCPS Chief Col. Ruben Lacuesta ang suspek na nahuli diumano sa pagbebenta ng hinihinalang shabu na si Sherwin Galope, 27 years old at residente ng Quezon City.
Aniya, muli silang nagsagawa ng anti-drug operation sa lugar na humantong sa pagkakaaresto ng tatlo pang suspek sa diumano’y pagbebenta ng marijuana.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jose Gabriel Cuesta, 25; Juan Mortera, 23; at Eurica May Dela Cerna, 21, pawang mga residente ng Quezon City.
Sinabi ng CCPS na nakipag-ugnayan sila kina Barangay 95 Councilor Eliza Comillas Yu at Philippine Drug Enforcement Agency- National Capital Region (PDEA-NCR) Regional Office sa pagsasagawa ng anti-drug operation.
Nakuha umano mula sa mga suspek ang isang malaking self-sealing transparent plastic bag na naglalaman ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana at tatlong piraso ng medium heat-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng ‘shabu’ sa isinagawang buy-bust operations.
Ayon kay Lacuesta, “nakumpiska po natin ang 218 gramo ng pinaghihinalaang marijuana na mayroong street value na P26,160 at halos 20 gramo ng pinaghihinalaang shabu na kumakain ng humigi’t kumulang P136,000.”
Samantala, pinuri naman ni Caloocan City Mayor Dale “Along” Malapitan ang mga kapulisan ng CCPS matapos ang matagumpay na pag-arestong ito.
“Muli po nating kinikilala ang Caloocan City Police sa kanilang matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga. Apat na suspek po ang nahuling nagbebenta ng ilegal na droga, at tulad po ng ating ipinangako, walang puwang ang tulak sa lungsod,” ayon sa alkalde.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002.
Photo: Caloocan City Police Station FB