Away ng mga estudyante sa Caloocan, isa ang namatay at isa ang kritikal dahil sa pananaksak
Anna Hernandez November 16, 2024 at 02:58 PMCALOOCAN CITY — Nasawi ang isang estudyante at kritikal naman sa pagamutan ang isa pa matapos silang saksakin ng Grade 10 student sa labas ng Caloocan City Business High School, Barangay 172, Caloocan City, nitong Biyernes ng tanghali.
Sa impormasyong ibinigay ng ilang saksi, agawan sa electric fan sa loob ng classroom ang dahilan ng away. Ang suspek umano ang unang nambully sa biktima matapos silang magkaalitan.
Nabatid na nagsumbong umano ang nasawi sa kanyang mga kaibigan at inabangan nila ang suspek sa labas ng eskwelahan nang mag-uwian.
Sa isang cellphone video, makikita na nagrarambulan ang mga estudyanteng naka-uniporme. Nakunan din ang isa sa kanila na may hawak na kutsilyo. Hindi na nakunan sa video kung paano nangyari ang pananaksak. Makikita na lang na nakahandusay sa kalsada ang duguang biktima na agad ding binawian ng buhay. Nilalapatan pa ng lunas sa ospital ang tatlo pang sugatan na mga estudyante rin ng nasabing paaralan.
Sa pahayag ni P/Captain Romel Caburog, ng Caloocan City Police Station, inaresto ng mga tauhan ng barangay at itinurn-over sa kanila ang suspek na Grade 10 student. Narekober sa kaniya ang isang kitchen knife na ginamit sa krimen.
Ani Caburog, aminado ang suspek na palagi siyang may dalang patalim para magamit sa self-defense kung sakaling mapaaway.
Kaugnay ng insidente, naglabas ng opisyal na pahayag si Caloocan City Mayor Along Malapitan.
“Ikinalulungkot at mariin ko pong kinokondena ang nangyaring pananaksak sa Barangay 172 kung saan sangkot ang limang menor de edad na pawang mga estudyante ng Caloocan City Business High School.
Kaagad ko pong inatasan ang Caloocan City Police Station (CCPS) sa pangunguna ni Police Chief Col. Paul Doles na imbestigahang maigi ang insidente.
Bilang menor de edad po ang offender o ang rescued child in conflict with the law (CICL), siya po ay i-tu-turn-over sa ating City Social Welfare Development Department (CSWDD) upang i-proseso. Pansamantala po munang mananatili ang CICL sa Bahay Pag-asa habang sumasailalim ito sa mga intervention program.
Kaagad din po tayong nagpadala ng mga social worker upang matiyak na mapapangalagaan at mapoprotektahan ang karapatan ng lahat ng mga menor de edad na sangkot sa insidente.
Bagama’t ito’y itinuturing na isolated case, inatasan ko na rin ang CCPS na paigtingin ang police visibility sa lahat ng paaralan at mga matataong lugar sa lungsod.
Nakikipag-ugnayan na rin po ako at ang pamahalaang lungsod para sa mga tulong na ipapaabot natin sa mga biktima at sa kanilang pamilya,” ani Malapitan.
📷 Screengrab from contributed video