Bagong Plaza Rizal sa Caloocan, muling binuksan sa publiko
Paulo Gaborni July 21, 2023 at 08:14 PMMuling binuksan sa publiko ang Plaza Rizal sa A. Mabini, Caloocan City, na matagal ding nawala at nakalimutan sa loob ng ilang dekada nitong Hulyo 14.
Ang naturang plaza, na matatagpuan sa harapan ng dating Caloocan City Hall na ngayon ay 999 Mall na, ay itinayo noong panahon ng Amerikano bilang donasyon ng beterano ng himagsikan at pilantropo na si Don Santiago Araneta bilang pag-alaala sa kanyang anak. Itinuturing ito sa isa sa pinakaeleganteng plaza noong panahong iyon. Paborito itong puntahan bilang pook panglibangan hanggang sa ito ay ginawang mixed use commercial complex. Muli itong inayos ng pamahalaang lungsod sa orihinal nitong anyo bilang isang plaza.
Ang pagbabagong anyo ng Plaza Rizal mula sa isang commercial complex ay pinasimulan ng dating alkalde at ngayo’y District 1 Representative Oscar “Oca” Malapitan at natapos sa unang termino ng kanyang anak na si Mayor Dale “Along” Malapitan.
Sa kasalukuyan, ang rebulto ni Jose Rizal ang nangingibabaw sa parke, na nagtatampok din ng tennis court at physical exercise equipment para sa taongbayan.
Idineklara din ng alkalde ang makasaysayang Plaza Rizal bilang isa sa mga cultural treasures ng Caloocan at binigyang-diin din niya na ang pag-unlad ng ekonomiya ay hindi dapat isakripisyo ang pamanang naiwan sa lungsod.
“Walang masama sa pag-unlad, pero mahalaga sa ating pag-unlad, huwag nating tanggalin ang mga ipinamana sa atin ng ating mga ninuno,” pahayag ng alkalde.
Hinihikayat din niya ang publiko na pangalagaan ang Plaza Rizal. Nangako rin siyang patuloy na poprotektahan ang mga parke at open spaces ng lungsod para sa mga kabataan.
“Kasabay po ng muling pagbubukas ng Plaza Rizal, layunin din nating tuloy-tuloy na paunlarin ang ating open, green spaces para sa kaayusan at kalinisan ng bawat komunidad sa lungsod,” wika ni Mayor Malapitan.
“Minsan na pong nawala sa atin ang plaza, kaya ngayon magtulungan tayong lahat na alagaan ito dahil isa ito sa mga rason kung bakit ipinagmamalaki natin na makasaysayan ang Caloocan,” dagdag ng alkalde.
Photo: Konsehal Arnold Divina