Bagong University of Caloocan City—Bagong Silang Campus, itatayo na
Ace Cruz June 16, 2021 at 11:09 AMSisimulan na ang konstruksyon ng ika-apat na campus ng University of Caloocan City. Ito’y makaraang pasinayaan ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang groundbreaking ceremony nito sa Phase 8A, Barangay 176 sa lungsod, noong June 14, araw ng kapanganakan ng alkalde.
Sa isang pahayag, sinabi ni Malapitan na ang proyektong ito ng lokal na pamahalaan ay tiyak na makakatulong sa mga nagnanais na maging inhinyero balang araw dahil ang naturang campus ay magsisilbing tahanan ng College of Engineering at iba pang mga kursong may kaugnayan naman sa business.
Oras na maitayo ang apat na palapag na gusali, ito na ang magsisilbing ika-apat ng campus ng UCC. Ang UCC sa Congressional, EDSA, at Barangay Camarin ay naitayo rin sa termino ni Malapitan.
Kasunod nito, ani Malapitan, makatutulong ito sa mga kabataan sa lungsod lalo na ‘yung mga kapus-palad na nangangarap na maging propesyonal sa naturang larangan sa tulong ng mataas na kalidad na edukasyon.
“We want more students to have access to quality education,” dagdag pa ni Malapitan.
Kasama sa isinagawang groundbreaking ceremony sina Congressman Along Malapitan, City Administrator Engr. Oliver Hernandez, UCC OIC Prof. Marilyn De Jesus at iba pang mga opisyal ng unibersidad.
Wala pang ibinigay na petsa kung kailan matatapos ang konstruksyon ng UCC Bagong Silang Campus.
Tiniyak din ni Malapitan sa kanyang mga nasasakupan na hanggang sa kanyang huling taon bilang alkalde ng lungsod ay patuloy aniyang tutuparin ang kanyang mga naunang pangako.
Photo courtesy of Mayor Oca Malapitan Fb page