Balita sa Caloocan ngayong Linggo
Mike Manalaysay April 1, 2023 at 06:01 PMAnti-Sexual Harassment (ASH) desk at hotline
Inilunsad sa Lungsod ng Caloocan ang Anti-Sexual Harassment (ASH) desk at hotline. Ayon sa pahayag ni Mayor Dale “Along” Malapitan, layunin nitong “mas mabigyan ng proteksyon ang ating mga mamamayan laban sa pang-aabuso at pambabastos.”
“Ang anumang uri ng pambabastos at pang-aabuso ay may kaukulang parusa,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ng Punong Lungsod ang mga dapat tawagan o kontakin sa oras ng pangangailangan: 0956-88-43210 o magpadala ng mensahe sa ASHdesk@caloocancity.gov.ph
Maari ring magpunta sa Gender and Development Resource Coordinating Office (GADRCO) sa 8th floor ng Caloocan City Hall – South, mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 a.m.- 5:00 p.m.
“Oras na po para tuldukan ang sexual harrassment dahil walang puwang sa Caloocan ang anumang uri ng pambabastos at pang-aabuso,” pagwawakas ng pahayag.
Paglilinis sa iba’t ibang lugar sa Caloocan
Nilinis ng City Environmental Management Department (CEMD) ng Caloocan ang ilang lugar sa lungsod na ginawang tambakan ng basura. Pininturahan din ng makukulay na disenyo ang mga pader para maging mas kaaya-aya sa paningin.
Nanawagan ng kooperasyon sa pagpapanatili ng kalinisan si Mayor Along Malapitan, “patuloy po naming lilinisin ang lungsod subalit mas mapapabilis at mas mapapanatili natin ang kalinisan kung tutulungan niyo po kami,” ayon sa pahayag ng alkalde.
Nagpasalamat din si Malapitan sa pakikiisa ng mga mamamayan ng Caloocan.
“Mga Batang Kankaloo, pinag-iigihan po natin ang ating paglilinis at pagpapaganda sa Caloocan upang mamuhay tayo, lalo na ang ating mga anak, sa isang kaaya-ayang lungsod. Pakiusap ko lang po, gawin natin ang ating bahagi upang matupad ang pangarap natin na mas maging maayos ang Caloocan.”
Estero de Maypajo binigyan ng award ng DENR
Samantala, ginawaran ng Special Citation Award at binigyan ng pagkilala ang Estero de Maypajo sa ikatlong Gawad Taga-Ilog (GTI) award. Ginanap ang awarding sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa kanyang pahayag, nagpaabot ng pagbati si Mayor Malapitan sa departamento sa Pamahalaang Lungsod na nangangasiwa sa pagpapanatili ng kalinisan ng ilog.
“Nagpapasalamat po tayo sa DENR sa karangalang ito at binabati ko po ang ating City Environmental Management Department (CEMD) sa kanilang walang sawang paglilinis sa Caloocan lalo na sa mga daluyan ng tubig. Ipinagmamalaki ko ang inyong walang patid na pagsisikap upang tiyakin na malinis, maaliwalas, at luntian ang ating lungsod… Mas lalo po tayong naging determinado na pag-igihan pa ang pagkamit ng ating mga layuning pangkalikasan para sa mas maganda at maunlad na Caloocan,” ayon sa pahayag.
Photo: Mayor Along Malapitan FB