BFP Iwas sunog inilunsad; Kursong panghanapbuhay ibinigay ng LGU; Tutoring program tagumpay
Reggie Vizmanos November 16, 2023 at 03:05 PMNaglunsad ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng house-to-house campaign sa mga komunidad sa Caloocan upang ipaalala sa mga mamamayan ang mga fire safety tips o mga dapat tandaan at gawin upang maiwasan ang insidente ng sunog lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Sa Oplan Ligtas na Pamayanan (OLP) campaign ay nag-survey ang BFP sa mga residente hinggil sa posibleng fire hazards sa mga kabahayan tulad ng nakalaylay na kawad ng kuryente, mga hindi ligtas na electrical connection, mga nakatiwangwang na bagay tulad ng mga papel at karton na madaling magliyab, at mga may singaw na LPG.
Nagbigay rin sila ng orientation tungkol sa pag-iingat sa sunog at mga dapat gawin kung may insidente ng sunog o ano mang emergency.
Ang Oplan Ligtas na Pamayanan ay pinangasiwaan nina Caloocan City Fire Marshal, Fire Superintendent Eugene Briones; Deputy City Fire Marshal, Fire Chief Inspector Jyner Rick Cariño; at Fire Senior Inspector Elyzer Ruben Leal.
Samantala, sari-saring libreng kursong panghanapbuhay ang iniaalok ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Caloocan City Manpower Training Center (CCMTC).
Kabilang sa mga available na kurso ay Advanced Computer Operations, Automotive Mechanics, Basic Dressmaking, Basic Welding, Consumer Electronics Servicing, Cosmetology, Culinary, Electrical Wiring Installation, Food and Beverage at marami pang iba.
Iprinisinta naman at binati ng CCMTC ang mga naunang nagtapos sa mga kursong panghanapbuhay sa kanilang CCMTC Graduation Day na ginanap kamakailan sa Caloocan City Sports Complex.
Sa iba pang balita, umaabot sa 1,070 residente ang nakinabang sa “TARA Basa! Tutoring Program” na inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng lokal na pamahalaan ng Caloocan.
Ang naturang programa ay isang uri ng Cash-for-Work Program kung saan ang mga matutukoy na learning facilitators, magulang, at youth development workers ay inaatasang magturo ng pagbasa sa mga kabataan na may kakulangan sa reading skills o kaya ay hindi nagkakaroon ng sapat na pagkakataon upang makapag-aral at makapagsanay sa pagbabasa.
Pinasuweldo ng DSWD ang mga naging tagapagturo para sa kanilang ilang araw na pagganap ng tungkulin sa ilalim ng programa.
Photo: BFP NCR Caloocan FB, CCMTC FB, Along Malapitan FB