Caloocan Bishop Ambo David inihalal na VP ng Federation of Asian Bishops’ Conferences
Reggie Vizmanos February 23, 2024 at 02:11 PMInihalal na Vice President ng Federation of Asian Bishops Conferences (FABC) si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David. Karaniwan din siyang tinatawag na Bishop Ambo.
Isinagawa nitong Pebrero 22 sa Bangkok, Thailand ang naturang halalan ng FABC. Ibinoto bilang bagong FABC president si Indian Cardinal Filipe Neri Ferrão at secretary-general si Tokyo Archbishop Tarcisius Isao Kikuchi. Sa Enero 2025 magsisimula ang kanilang termino ng panunungkulan.
Ang FABC ay opisyal na kapulungan ng mga Roman Catholic bishops sa rehiyon ng Asya na mayroong 153.36 milyon na populasyon ng mananampalatayang Katoliko, ayon sa datos ng Vatican.
Binubuo ang FABC ng 19 bishops’ conferences sa Asya bilang full members (kasama ang CBCP), at mayroon din itong 8 associate members.
Si Bishop Ambo, 64 anyos at ipinanganak sa Betis, Guagua, Pampanga, ay isang internationally trained Bible scholar at tumangan na rin ng maraming mahahalagang tungkulin sa pandaigdigang simbahang Katoliko.
Matagal siyang naging bahagi ng CBCP Episcopal Commission on Biblical Apostolate, naging isa siya sa limang obispong piniling makalahok sa 2008 Synod of Bishops on the Word of God na ginanap sa Vatican, at naging Asian representative din sa Sixteenth Ordinary General Assembly of the Synod of Bishops.
Itinalaga si Bishop Ambo bilang obispo ng Caloocan noong Enero 2016, at naging pangunahing boses ng simbahang Katoliko laban sa noo’y malaganap at marahas na drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.