Caloocan City Congressman Egay Erice, tumanggap ng Mobile Medical Clinic
Ace Cruz July 15, 2021 at 03:46 AMTinanggap ni Caloocan City Congressman Egay Erice ang MediBUS o mobile medical clinic.
Ito’y bunga ng pakikipagtulungan ng tanggapan ng mambabatas sa J. Amado Araneta Foundation, Araneta City at Aster.
Ang naturang MediBUS ay malaki ang maitutulong sa mga residente ng Lungsod ng Caloocan na nangangailangan ng atensyong medikal.
Kasunod nito ay inulan ng sari-saring papuri mula sa mga residente ng Caloocan ang pagkakaroon ng MediBUS dahil batid daw nilang matutugunan nito ang kanilang medikal na pangangailangan.
Ayon kay Fher Rocillas, ang naturang hakbang ng mambabatas ay napakalaking tulong sa kanyang mga nasasakupan kaya hinihiling din niya na makarating ang MediBUS sa iba pang distrito ng lungsod.
Sinabi naman ni Ronald Veluz na ang naturang MediBUS ay makatutulong sa buong Caloocan lalo na sa mga indigent population o ang mga mahihirap na residente.
Samantala, nagpasalamat naman si Congressman Erice sa mga tumulong na magkaroon ng MediBUS na aniya’y makatutulong na mas lalo pang mapaigting ang programang pangkalusugan para sa mga residente ng lungsod.
“Isa sa pinakamahalagang haligi ng pag-unlad ng mga pamilya lalo na yung
mga nasa kasulok-sulokan, mga nasa laylayan ng lipunan ay kalusugan. Isa sa pinakamagandang programa ay ang preventive healthcare,” paliwanag ni Congressman Erice.
Photo courtesy of Cong. Egay Erice Fb Page