| Contact Us

Caloocan pinarangalan ng DENR bilang “Champion in ISF and Illegal Structures Management”

Reggis Vizmanos April 29, 2024 at 02:57 PM

Tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang mataas na pagkilala bilang Champion in ISF (Informal Settler Families) and Illegal Structures Management sa 4th Gawad Taga Ilog (GTI) Awarding Ceremony ng Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region (DENR – NCR).

Naging basehan ng parangal ang tuloy-tuloy na mga aktibidad at pakikipagtulungan ng LGU sa DENR para sa paglilinis ng Estero de Maypajo na nasa lungsod partikular sa bahagi ng Barangay 35 at Barangay 28, at pag-relocate o paglilipat ng mga nakatira rito patungo sa bago nilang bahay at komunidad na maayos, disente at ligtas.

Kinilala rin ng DENR ang Caloocan City bilang second runner-up sa main award category na Search for the Most Improved Estero in Metro Manila.

Ang parangal ay pinangunahan nina DENR Undersecretary for Integrated Environmental Science Dr. Carlos Primo David at DENR-NCR Regional Executive Director Jacqueline Caancan.

Kasama rin sa nagbigay ng parangal ang mga kinatawan mula sa Water Environment Association of the Philippines, Inc., Envirokonsult Equipment and Services, Inc., Maynilad Water Services, Inc., at Environmental Management Bureau – NCR, bilang ilan sa mga partner organizations sa pagsasagawa ng GTI Awards.

Ayon kay Mayor Along Malapitan, “Nagpapasalamat po tayo sa DENR sa nasabing pagkilala at asahan niyo pong walang patid nating titiyakin na namumuhay nang maayos at ligtas ang ating mga kababayan [na inililikas mula sa tabing-ilog] at nabibigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng marangal na tirahan.”

Dagdag ng alkalde, “Congratulations po sa ating City Environmental Management Department (CEMD) at sa Housing and Resettlement Office (HARO) sa matagumpay na pakikiisa sa layuning ito.”

Kamakailan din ay nagsagawa ang DENR Metropolitan Environmental Office (MEO) – North at ang DENR Environmental Management Bureau – Central Office ng Communication, Education and Public Awareness (CEPA) campaign sa Barangay 177, North Caloocan tungkol sa pangangalaga ng ilog.

Ang aktibidad ay pinangunahan ni MEO-North OIC Deputy Director Glenn Alvin Gustilo kasama sina Engr. Rocelle Estoya at Mr. Rolando Enoc, at dinaluhan ng 20 mga opisyal at kawani ng Barangay 177 sa pamumuno ni Punong Barangay Donna De Gana-Jarito.

Tinalakay sa aktibidad ang epektibong pangangalaga sa ilog at sa kabuuan ng kapaligiran na nasasakupan ng barangay, partikular ang regular na paglilinis sa mga daluyang tubig, wastong pamamahala ng mga basura, Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, at R.A 11893 o ang Extended Producer Responsibility on Plastic Packaging Waste.

📷 Along Malapitan FB, DENR NCR FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 19 Last