Community pantry para sa mga tsuper at commuter, inilunsad sa Calumpit
Angelo Calixtro March 30, 2026 at 05:36 PM
CALUMPIT, BULACAN — Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, muling umarangkada ang diwa ng bayanihan sa Calumpit sa pamamagitan ng paglulunsad ng community pantry para sa mga driver at commuter.
Pinangunahan ni Mayor Lem Faustino ang proyekto na layong magbigay ng agarang tulong sa sektor ng transportasyon na lubhang apektado ng tumataas na gastusin.
Sa isinagawang aktibidad, daan-daang benepisyaryo ang nabigyan ng libreng bigas, gulay, at iba pang pagkain — alinsunod sa prinsipyo ng community pantry na “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan.”
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang bawat ambag mula sa mga residente at volunteers ay patunay ng malasakit at pagkakaisa ng komunidad sa gitna ng hamon sa ekonomiya.
Nagpasalamat naman ang pamahalaang bayan sa lahat ng nakiisa at tiniyak na isasagawa ang ikalawang bugso ng community pantry sa mga susunod na araw. Hinikayat din ang mga nais tumulong na makipag-ugnayan sa Municipal Information Office ng Calumpit.
📷 Mayor Lem Faustino FB