Contact tracing sa mga taong dumagsa sa hostage taking sa Caloocan, Iniutos ng DILG
Ace Cruz September 2, 2021 at 08:10 AMIpinag-utos ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang pagsasagawa ng contact tracing sa Lungsod ng Caloocan.
Ito’y matapos na dagsain ng mga ‘usi’ o mga usisero at usisera ang hostage taking incident sa lungsod.
Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, nakakabahala ang naganap na ‘unnecessary’ mass gathering na bawal ngayong panahon dahil may banta ng virus.
Giit pa nito na dapat agad itong tutukan ng mga lokal na awtoridad gaya ng mga barangay para maiwasan ang transmission ng COVID-19 lalo ng mga variants nito.
Samantala, pinakikilos na ng liderato ng Philippine National Police o PNP ang Caloocan City Police para tumulong sa contact-tracing kasunod ng nangyaring hostage taking ng isang lalaki sa menor-de-edad na biktima sa C3 Road sa lungsod.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, maglalabas sila ng memorandum para paalalahanan ang mga pulis hinggil sa mga umiiral na protocol tuwing may hostage taking at kahalintulad na insidente upang maiwasan ang pagkakaroon ng super spreader event.
Dagdag pa ng PNP Chief, dapat tiyakin ng mga pulis na malayo sa publiko ang insidente batay sa umiiral na police operational procedure tuwing may hostage taking upang maiwasan din itong humantong sa mas malalang sitwasyon.
Photo courtesy of Ryan Andrei/Ambulance Responder