Dagdag ayuda sa tsuper—Maynila itinaas ang kita sa libreng sakay program
Angelo Calixtro April 3, 2026 at 09:18 PM
MAYNILA — Itinaas ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang arawang kompensasyon ng mga jeepney driver na kalahok sa Libreng Sakay program, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Mula sa dating ₱3,000, ginawa nang ₱3,500 ang matatanggap ng bawat tsuper kada araw—isang hakbang na layong maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin sa kanilang hanapbuhay.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, ang karagdagang ₱500 ay magsisilbing tulong upang mapanatili ang sapat na kita ng mga driver sa kabila ng pagmahal ng langis.
Dagdag pa ng alkalde, mahalagang masuportahan ang mga tsuper na patuloy na nagbibigay serbisyo sa publiko, lalo na sa ilalim ng programang Libreng Sakay na naglalayong makatulong sa mga commuter sa lungsod.
Sa kabila ng hamon ng tumataas na presyo ng krudo, tiniyak ng lokal na pamahalaan na patuloy nitong paghuhusayin ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng parehong driver at pasahero.
📷 Manila Public Information Office FB