| Contact Us

Dalawang lalaki nasawi sa sunog sa 3rd Avenue Caloocan

Cristine Cabanizas April 24, 2021 at 04:42 PM

Dalawang lalaki ang nasawi habang naabo naman ang tahanan ng dalawampung pamilya matapos ang sunog sa 3rd Avenue sa lungsod ng Caloocan, Biyernes ng gabi, April 23.

Ayon sa Caloocan Central Fire Station, ang dalawang lalaking namatay ay may edad na 44 at 38. Hindi na muna nila pinangalanan ang mga biktima hangga’t hindi pa natatapos ang kanilang imbestigasyon.

Base naman sa pahayag ng mga residente sa Arkipelago News, namatay raw ang isang lalaki dahil hindi siya nakalabas ng kanyang bahay. Habang ang isa naman ay may sakit at mahina na raw ang katawan.

Wala na raw tirahan na mauuwian at damit na pwedeng suotin ang ilang residenteng nasunugan. Natupok ang tinatayang labinlimang kabahayan at 90,000 pisong halaga ng mga ari-arian.

Nagsimula ang sunog dakong 6:21 ng gabi at idineklarang nasa ikalawang alarma pagsapit ng 7:30 ng gabi. Tuluyan din itong naapula pagpatak ng 9:52 ng gabi ayon sa Caloocan Central Fire Station.

Iniimbestigahan pa rin sa ngayon ang sanhi ng sunog at tumanggi munang magbigay ng karagdagang pahayag ang naturang ahensya.

Habang nasa pinangyarihan ng sunog ang Arkipelago News, nakunan ng aming kamera ang pagsita ng ilang residente sa isang lalaking kapitbahay nila. Ayon sa kanila, sa inuupahang bahay ng lalaki na nasa ikatlong palapag nagsimula ang sunog. Mabilis ding umalis ang lalaki. Pero ayon sa kanyang landlady, itinatanggi raw ng lalaki ang paratang sa kanya.

Sa kuwento naman ng mga residente, biglaan ang sunog at mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay. Nagkagulo na raw sa looban lalo na nang masunog ang mga bahay sa daraanan nila palabas. Napilitan daw silang dumaan sa may sapa at sa sementeryo para makatakas sa apoy.

Hindi na rin daw nila nagawang magsalba ng anumang gamit. Tanging ang suot daw nilang damit ang natira.

Isa si Ruffamae Bonifacio sa mga apektado ng sunog. Nagtatrabaho si Ruffamae sa isang pabrika. Lahat daw ng naipundar niyang gamit ay natupok ng apoy.

“Sobrang hirap, hindi namin alam kung paano mag-uumpisa. Wala kasi kaming naisalba kahit isa. Ngayon nakikitira muna kami sa kaibigan,” kuwento ni Ruffamae.

Sa Facebook post naman ng isa sa mga biktima ng sunog na si Kingking Bermudo, inihayag niya kung gaano kalungkot ang nangyari sa kanila

“Sobrang sakit lang na may pinaglalamayan pa po kami doon yung lolo ko tapos nasunugan pa,” ayon kay King.

Humihingi ng tulong si King at ang iba pang pamilyang nasunugan sa mga taong may kakayahang tumulong.

Sa kabutihang palad, marami ang nagpahayag na tutulong sila kay King.

Makalipas ang ilang oras, nakalikom sila ng mga donasyong pagkain at damit na ipinamahagi rin nila sa iba pang pamilya.

“Maraming salamat po sa mga nag-pm. Iisa-isahin po namin kayo bukas para po sa mga donation nyo sobrang dami pa nagmemesage sa akin, di ko mareplyan. Si papa G na po bahala magbalik ng mga kabutihan nyo. Naiiyak ako sa mga nagme-message maraming salamat talaga. Para sa mga kamag anak ko at kapit- bahay ko na nasunugan para sa inyo ‘tong ginagawa ko. Laban lang nandito si Lord para patatagin tayo,” pahayag ni King.

Sa mga nais magbigay ng donasyon gaya ng damit at pagkain, maaring magpa-abot ng mensahe sa Facebook account ni Kingking Bermudo o dalhin sa mga nasunugan sa 3rd Avenue, Caloocan City.

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 20 Last