| Contact Us

Dambana ng Paghilom para sa mga biktima ng ‘drug war EJK’ binuksan sa Caloocan

Reggie Vizmanos May 2, 2024 at 12:55 AM

Pormal nang pinasinayaan at binuksan sa loob ng La Loma Catholic Cemetery sa Caloocan City ang Dambana ng Paghilom, na kauna-unahang memorial site o himlayan at lugar ng pag-ala-ala sa mga sinasabing biktima ng extra-judicial killings (EJK) o pagpaslang sa ilalim ng bayolente at madugong drug war o kampanya kontra iligal na droga noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Dambana ay bahagi ng Program Paghilom, isang inisyatibo ng Simbahang Katoliko at ng Arnold Janssen Kalinga Foundation, Inc. sa pangunguna ng founder at presidente nito na si Fr. Flavie Villanueva, SVD, na naglalayong matulungang mapaghilom ang sugat sa puso at isipan ng mga kapamilya, kaanak at kaibigan ng mga biktima ng EJK, kasabay ng pagpupursige para sa hustisya sa kanila at pagbubunyag ng buong katotohanan ng nasabing drug war at ng mga nagpakana nito.

Binigyang pansin nila ang mga ulat na ang naturang drug war ay nagresulta umano sa pagpaslang sa humigit-kumulang na 30,000 katao na pinagbintangang sangkot sa iligal na droga at pinaslang dahil “nanlaban.”

Ayon kay Fr. Villanueva, sinimulan ang Program Paghilom noong 2017 sa panahon ng kasagsagan ng drug war EJK, “Ang Dambana ng Paghilom ay inisyatibo ng simbahan upang muling maipadama sa mga naulilang pamilya ng EJK victims ang pag-asa at paghilom sa kabila ng mga karahasang nangyayari sa bansa. The memorial site and columbarium symbolizes more than just a final resting place for those killed. Dambana ng Paghilom is also a statement of hope. Evil will never persist if men, women, senators, ambassadors, people of good conscience, HR advocates, seminarians, sisters, religious, people at the margins will continue to stand firm for life, truth, and peace.”

Sinabi niya na lubhang mabigat ang pinagdaanang trahedya ng pamilya ng mga EJK victims na dahil sa matinding kahirapan ay walang nagawa upang protektahan at ipagtanggol ang kanilang mga mahal sa buhay.

Katuwang ni Fr. Villanueva na nagbasbas sa Dambana si Diocese of Kalookan Vicar General Fr. Jerome Cruz.

Bukod sa mga kapamilya, kamag-anak at kaibigan ng mga EJK victims, nakiisa at dumalo rin sa inauguration ng Dambana ng Paghilom sina European Union (EU) Ambassador Luc Veron; German Ambassador Andreas Michael Pfaffernoschke; Dutch Ambassador Marielle Geraedts; British Ambassador Laure Beaufils; Senator Risa Hontiveros; dating Senator Leila De Lima; Running priest Fr. Robert Reyes; forensic pathologist Dr. Raquel Fortun; at marami pang iba.

Kabilang din sa mga sumuporta sa inisyatibong ito ang Diocese of Kalookan; Diocesan Shrine & Parish of Our Lady of Grace sa pangunguna ni Rector & Parish Priest Fr. Eduardo Cariño Vasquez Jr.; mga parokya ng simbahang Katoliko; at iba-iba pang grupo at indibidwal.

Kasunod ng ribbon-cutting sa okasyon ay sinaksihan ng mga dumalo ang inurnment o paglalagay sa urno ng mga labi ng 11 EJK victims, bilang inisyal na batch ng mga ilalagak na labi sa himlayan. Tinataya umano na aabot sa 400 urns ang maaaring ihimlay sa naturang memorial site.

“This was once a hope, and it is now real,” dagdag pa ni Fr. Villanueva.

📷 Veritas FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 19 Last