Delivery rider na naaksidente habang nagmomotor tinulungan ng kanyang customer at mga netizen
Cristine Arogante July 9, 2021 at 03:01 PM
Butas ang pantalon sa parteng tuhod at may mapulang sugat, may dugo’t gasgas sa siko, braso at kamay. ‘Yan ang kalagayan ng Food Panda rider na si Aldrin nang ideliver ang pagkain ni Maria Kriselda Galon.
Ayon kay Kriselda, naaksidente raw ang delivery rider habang nasa biyahe para ihatid ang kanyang order.

“Habang nagsosorry siya, natulala na ako, nakatingin sa kanya… Nanlumo ako. Di ako maimik. Naaksidente si kuya rider. Kaya daw lalo natagalan ay dahil nakipag areglo na sa nakabangga. Salamat naman at hindi tinakasan at inabutan na lang daw ng pampacheck-up/gamot,” ayon sa Facebook post ni Kriselda.
Nagpumilit din daw siyang abutan ng kaunting halaga si Aldrin para pandagdag sa pambili ng gamot pero noong una raw ay tinanggihan siya ni Aldrin dahil nahihiya.

Pinaalalahanan din daw niya si Aldrin na mamuhunan sa safety gear pero ipinaliwanag ni Aldrin na wala siyang kakayahang bumili ng ganoong bagay.
“Nagi-guilty ako. Kung nagbaon na lang sana ako, hindi sana siya nagkaganun,” aniya.
Inamin din ni Kriselda na dahil sa nangyari hindi na raw siya muling oorder ng pagkain online.
“Sorry po kung babawas ako sa inyong customers. This is my personal reason. Hindi lang po talaga kaya ng konsensiya ko ang ganitong scenario. Ayoko nang maulit to,” pahayag niya.
Hindi na raw bago sa kanya ang mga ganitong sitwasyon dahil delivery rider din daw ang kanyang kapatid na minsan na ring naaksidente.
Pero ito raw ang unang beses na ang mismong magde-deliver sa kanya ang naaksidente.

“Kapatid ko po mismo Ma’am. Naaksidente na din po siya dati, nagka-fracture pa nga po hinliliit niyang daliri. Duty po siya ng hapon hanggang inabot na po ng gabi sa ospital pinagamot po yung kamay niya. Jeep naman po nakasabit sa kaniya. Matagal na po siyang rider, mag-2 years na po yata. Pero sa food panda po ay parang mag-1 year na din,” kuwento niya sa Arkipelago News.
Nagpaalala rin si Kriselda sa publiko na maging mabait, maunawain, at kung kaya ay maging mapagbigay sa mga delivery rider.
Nag-trending ang post ni Kriselda. Ginamit din niya ang pagkakataon para humingi ng tulong na mabigyan ng safety gear si Aldrin na limampung taong gulang na.

Hindi siya nabigo dahil nag-umapaw ang mga nais magbigay ng tulong kay Aldrin.
Pinuntahan ni Kriselda si Aldrin sa kanyang inuupahang bahay para ihatid ang mga tulong na natanggap. Kasama niya ang Honda Click Game Changer Philippines (HCGCP) Batangas Chapter.

Nakilala ni Kriselda ang asawa at anak ni Aldrin na itinataguyod niya gamit ang kaniyang hinuhulugang second hand na motor. Sa kasalukuyan ay patuloy na nagpapahilom ng kaniyang mga sugat si Aldrin.
“Mula sa pinagsama-samang malaki at maliit na halaga na naipadala niyo po ay nabigyan na natin si Sir Aldrin ng complete set of safety gears (knee pads, riding jacket, tube masks, gloves, raincoat, sapatos, pangmalakasang helmet), mga damit, towels, medyas, alcohol, tumbler, sacks of rice, groceries, gear oils, engine oil, pampakintab ng kanyang motor, mga gamot at vitamins etc. Bukod pa dun ay nabigyan pa po natin si Sir Aldrin ng pang full payment sa kanyang hinuhulugang motor. Bukod pa din dun ay meron pa rin po tayong naipaabot sa kanya na cash,” sabi ni Kriselda.
Walang hanggan naman ang naging pasasalamat ni Aldrin kay Kriselda at sa mga taong nagmalasakit at nagbigay ng donasyon. Ipagdarasal daw niya na triple ang bumalik na biyaya sa lahat ng tumulong.
Photo courtesy of Maria Kriselda Galon