Driver ng delivery van namatay sa karambola ng anim na sasakyan
Anna Hernandez November 6, 2024 at 11:21 PM![](https://arkipelagonews.com/wp-content/uploads/2024/11/IMG-70a4c7520b82a7facfb9b5e81ef2b78e-V.jpg)
MAKATI CITY — Nasawi ang driver ng isang delivery van sa aksidenteng kinakasangkutan ng anim na sasakyan sa panulukan ng Osmeña Highway at Zobel Roxas St., Makati City, nitong araw ng Miyerkules.
Hindi pa ibinunyag ng pulisya ang pangalan ng biktimang 36-anyos, empleyado ng ABest Express na isang courier service. Naipit siya sa nawasak na delivery van.
Batay sa inisyal na ulat, 12:55 ng madaling araw ng Nobyembre 6 nang maganap ang aksidente sa northbound ng Osmena Highway. Nagkarambola ang isang 16-wheeler trailer truck, isang Isuzu dropside delivery truck, isang tanker, isang luxury SUV, at 2 pang kotse.
Isinugod naman sa ospital ang dalawa sa apat na nasaktan sa aksidente.
Dumating sa pinangyarihan ng aksidente ang pinsan ng biktima na siya na ring nag-video call sa kanyang pamilya para ipaalam ang pangyayari.
Nagdulot ng pagsisikip sa daloy ng trapiko sa mga sasakyang patungo sa lungsod ng Maynila ang insidente. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.
📷 Contributed photo