| Contact Us

DTI Secretary Pascual namahagi ng tulong pinansyal sa mga rice retailers sa San Juan City

Mon Lazaro September 10, 2023 at 04:20 PM

SAN JUAN CITY— Namahagi si Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Fred Pascual nitong araw ng Sabado (ika-9 ng Setyembre) ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong rice retailers sa Agora Public Market sa Lungsod ng San Juan.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpaabot ng tulong sa mga rice retailers na naapektuhan ng pagpapatupad ng Executive Order No. 39 na nagtatakda ng rice cap o limitasyon sa presyo ng bigas.

Ayon kay Pascual, nakahandang umalalay ang pamahalaan sa mga rice retailers na lubos na naapektuhan sa pagtatakda ng price ceiling sa regular-milled rice na P41.00 at well-milled rice na P45.00 kada kilo.

“Ang DTI, katuwang ng buong gobyerno, ay magtutulong-tulong upang mabilis na masolusyonan ang mga problema na kailangan nating harapin. Sa pamamagitan ng whole-of-government approach, handang umalalay ang buong pamahalaan upang masiguro ang kapakanan ng mga rice retailers at konsyumers. Lubhang nauunawaan namin ang kalagayan ng bawat isa, kami po sa DTI ay magsusumikap na mas mapabilis ang ating distribusyon sa iba’t ibang panig ng bansa,”

Ang pagsisimula ng pormal na pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga kwalipikadong rice retailers ay inilunsad ngayong araw sa mga Lungsod ng San Juan, Caloocan, at Quezon na pinangunahan ng DTI, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at ng Department of Agriculture (DA).

Ang Sustainable Livelihood Program (Cash Assistance for Micro Retailers) ay isang programa na pinangununahan ng DSWD katuwang ang DTI at iba pang mga ahensya ng pamahalaan sa pag validate sa mga kwalipikadong rice retailers na siyang benepisyaryo nito.

Namahagi nitong araw ng Sabado ang DSWD ng tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P15,000 sa bawat isang kwalipikadong rice retailer

Noong Setyembre 8, 2023 ay naglabas ang DTI at DSWD ng guidelines upang magsilbing basehan sa pagtukoy ng mga kwalipikadong rice retailers. Ang mga ito ay dapat sumusunod sa EO 39 at: (1) Rehistrado sa Business Permits and Licensing Office (BPLO); (2) Rehistrado sa DTI bilang sole proprietor or sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang partnership o korporasyon; (3) Mga hindi rehistradong rice retailers na validated ng DTI; at (4) Mga hindi rehistradong rice retailers na validated ng mga market masters na beripikado ng DTI.

Bukod dito, ang naturang programa ay magaganap din sa iba’t ibang panig ng bansa upang mas mailapit sa mga benepisyaryo ang tulong ng pamahalaan. Binigyang diin din ng DTI na maaaring magtungo sa pinakamalapit na DTI Negosyo Center o tumawag sa kanilang hotline na 1-DTI (1-384) ang mga kwalipikadong rice retailers na nais mapabilang sa listahan ng mga mapagkakalooban ng tulong pinansyal.

Sa kabilang banda, sinabi rin ni Pascual sa kanyang panayam na, “Ang unang ginagawa ng pamahalaan, sinabi nga ni Asec. Arnel, inaayos natin ‘yung production ng rice sa lebel ng farms kasi kung malaki ang ani eh mas mababa ang cost per kilo at mas mababa nating maibebenta ‘yung produksyon, so maraming pumapasok doon na factors tulad ng pagkakaloob ng fertilizers, seeds, at saka yung pag-aalaga ng farms.”

Kasama rin ni Secretary Pascual sa naganap na pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga rice retailers sa San Juan sina DSWD Assistant Secretary Ada Calico, DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, at San Juan City Mayor Francis Zamora.

Photo: DTI

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last