| Contact Us

EDSA anniversary ginunita; 800 residente nabigyan ng AICS; Nagbebenta ng baril arestado

Reggie Vizmanos February 26, 2024 at 08:13 PM

📷: STAND PLM FB, NPD PIO FB, Mitch Cajayon-Uy FB

Nagtipon sa Bonifacio Monument Circle sa Caloocan ang ilang grupo at indibidwal upang makiisa sa paggunita ng ika-38 taong anibersaryo ng EDSA People Power.

Pinangunahan ito ng CAMANAVA Multi-sectoral Alliance na binubuo ng mga grupo sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Nanawagan sila na ibasura ang Charter change o ang isinusulong na pagbabago sa Saligang Batas, at iba pang kahilingan.

Pagkatapos ng maikling programa sa Caloocan ay tumuloy na ang mga grupo sa dako ng EDSA shrine sa Ortigas kung saan ginanap ang pangkalahatang programa para sa okasyon kasama ang iba pang mga grupo mula sa iba-ibang panig ng bansa.

Samantala, mahigit 800 na residente ng District 2 ng Caloocan ang naging benepisyaryo ng
Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang distribusyon nito ay pinangunahan nina Congresswoman Mitch Cajayon-Uy at Vice Mayor Mayor Karina Teh.

Ayon kay Congresswoman Cajayon-Uy, “Sa tulong ng AICS Program ng DSWD kasama tayong mga opisyal ng Distrito Dos ng Caloocan, naghatid tayo ng suporta sa 800 sa ating mga nangangailangang kababayan sa ating distrito. Ang misyon natin: magbigay ng kalinga at pag-asa sa mga nangangailangan.”

Sa iba pang balita, arestado ang isang lalaki dahil sa diumano’y iligal na pagbebenta ng baril sa lungsod.

Ilang araw umanong minanmanan ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang suspek na si Alyas Otep at nang nakumpirma ang iligal na gawain ay isinagawa na ang entrapment operation sa harap mismo ng kaniyang bahay sa Phase 1, Package 4, Lot 10, Brgy. 176 Bagong Silang.

Sinabi ng CCPS na tinangka ng suspek na magbenta ng baril sa isang pulis na nagpanggap na buyer nito.

Nakumpisa mula kay Alyas Otep ang ibinebenta niyang kalibre .22 revolver at bala, at ngayon ay nahaharap siya sa kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 19 Last