Filipino-Chinese Cultural Festival 2026, ipinamalas ang pagkakaisa sa Malabon
Angelo Calixtro March 2, 2026 at 08:00 PM
MALABON – Naging makulay at makabuluhan ang pagdiriwang ng Filipino-Chinese Cultural Festival 2026 sa lungsod ng Malabon bilang bahagi ng National Arts Month 2026, na may temang “Isang Bayan, Isang Diwa: Pagkakaisa sa Gitna ng Pagkakaiba.”
Pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang programa at binigyang-diin ang kahalagahan ng matatag na ugnayan ng Filipino at Chinese communities sa lungsod.
Ayon sa alkalde, ang selebrasyon ay sumasalamin sa lalim ng pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang kultura na patuloy na nag-aambag sa pag-unlad ng Malabon.
Nagbigay rin ng mensahe si Xiong Sheng, Education Counsellor ng Chinese Embassy in the Philippines, kung saan kanyang binigyang-diin ang pangmatagalang samahan ng Pilipinas at China na nakabatay sa ibinahaging kasaysayan, paggalang, at pakikipagtulungan sa larangan ng kultura at kalakalan.
Kabilang sa mga tampok ng programa ang ceremonial opening ng Fil-Chi Trade Fair sa tunog ng Gong of Prosperity, pagtatanghal ng Dragon at Lion Dance, iba’t ibang cultural performances, raffle draws, at fireworks display. Dumalo rin ang mga miyembro ng Filipino-Chinese community, mga negosyante, at iba’t ibang organisasyon sa lungsod.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ang pagdiriwang ay bahagi ng mas malawak na layunin ng Malabon na palakasin ang lokal na ekonomiya, suportahan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at palawakin ang pandaigdigang ugnayan sa ilalim ng 9-Point Agenda tungo sa isang “Global Malabon.”
📷 Malabon City Government