P74.8-milyong halaga ng shabu nasamsam sa buy-bust operation sa North Caloocan; Mga suspek arestado
Mon Lazaro April 28, 2025 at 06:33 PM
CAMP CRAME, Quezon City – Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP DEG) sa North Caloocan noong Abril 27, kung saan nakumpiska ang mahigit P74 milyon na halaga ng shabu at dalawang High Value Individuals (HVI) ang naaresto.
Sa operasyon na naganap bandang 8:15 ng gabi, inaresto ang dalawang suspek na sina a.k.a. “Johary,” 26-anyos, at a.k.a. “Ambulo,” 25-anyos, matapos isagawa ang buy-bust operation sa Brgy. Amparo, North Caloocan, Metro Manila. Ang mga suspek ay parehong itinuturing na High Value Individuals na may kaugnayan sa malawakang operasyon ng iligal na droga sa rehiyon.
Pinangunahan ang operasyon ng Special Operations Unit 3, PNP DEG, sa pamumuno ni PCol. Rolando Cuya, Jr., OIC ng PNP DEG, at katuwang ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Capital Region (NCR), Regional Special Enforcement Team 1, Special Operations Unit NCR, Northern Police District, District Drug Enforcement Unit, Caloocan City Police Station, City Drug Enforcement Unit, at Amparo Sub Station 15.
Sa operasyon, nasamsam ang tinatayang 11,000 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php74,800,000.00 at iba pang gamit. Dinala ang mga naaresto sa Amparo Sub-Station 15 para sa dokumentasyon, habang ang mga nakumpiskang droga ay naiturn-over sa Northern Police District, Crime Laboratory para sa laboratory examination.
Pinuri ni PCol. Cuya, Jr. ang matagumpay na operasyon at nagbigay ng mensahe, “Excellent work! May this success motivate even greater accomplishments in the battle against illegal drugs. Stay alert and continue making a positive impact.”
📷 File photo