Gabay sa Undas inilabas ng LGU; Libreng serbisyo mula sa CCMC; 1,800 benepisyaryo ng Agapay sa Manggagawa
Reggie Vizmanos October 26, 2023 at 10:13 AM
Mga balita sa Caloocan:
Gabay para sa Undas inilabas ng lokal na pamahalaan ng Caloocan.
Caloocan City Medical Center may handog na libreng serbisyo.
1,800 mga residente bagong batch ng mga benepisyaryo ng programang Agapay sa Manggagawa.
Naglabas ang Caloocan LGU ng Gabay o kalipunan ng mga alituntunin na dapat sundin ng mga pupunta sa sementeryo para mag-alay ng dasal sa mga mahal nila sa buhay na yumao na.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang paglalabas ng naturang Gabay ay upang, “mas maging taimtim, payapa at maayos ang pag-alala at pagdalaw natin sa ating mga namayapang mahal sa buhay ngayong Undas.”
Unang nakalahad sa Gabay na hanggang sa Oktubre 27 na lang papayagan ang paglilinis at pagpipintura sa mga puntod.
Pansamantala rin munang ipagbabawal ang paglilibing simula Oktubre 30, 2023 at muli itong papayagan sa Nobyembre 2, 2023.
Magpapatupad din ng, “One Entrance, One Exit” policy.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang mga sumusunod sa mga sementeryo sa Lungsod ng Caloocan:
- Anumang nakakalasing na inumin.
- Anumang patalim.
- Anumang bagay na magdudulot ng malakas na ingay.
- Anumang kagamitan sa pagsusugal.
- Pagpasok ng mga sasakyan sa loob ng mga pampublikong sementeryo.
Nagtakda rin ang LGU ng hotline na puwedeng tawagan ng mga mangangailangan ng agarang tulong. Ito ay ang 8882 56 64, 0916 797 6365 at 0947 796 4372.
Tuloy-tuloy pa rin ang paglilinis ng City Environmental Management Department (CEMD) at Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) sa iba’t ibang sementaryo sa lungsod.
Samantala, may handog naman na sari-saring libreng serbisyong medikal ang Caloocan City Medical Center (CCMC) sa Oktubre 27, mula 8:00 a.m. hanggang 12:00 p.m.

Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:
- Lay Forum (Breast Awareness Month)
- Fasting Blood Sugar (FBS), Blood Typing
- Electrocardiogram
- Chest X-ray (50 patients)
- Operation Alis Bukol
- Pelvic Ultrasound for pregnant – 20 weeks above (20 patients)
- Pap Smear (30 patients)
- Cataract Screening
- Free Reading Eyeglasses
- Silip Tenga (1:00pm – 3:00pm)
Umaabot naman sa 1,800 na mga residente ng lungsod ang bumubuo ng panibagong batch ng mga naging benepisyaryo ng programang Agapay Sa Manggagawa Livelihood Program (Cash for Work) na pinangungunahan ng Public Employment Service Office (PESO) – Caloocan.
Ang naturang programa ay tumutulong sa mga walang trabaho o kaya ay mababa sa minimum ang kinikita, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pansamantalang pagkakakitaan upang magkaroon sila ng dagdag na panggastos para sa pang-araw-araw na pangangailangan nila. Puwede rin nila itong magamit na puhunan sa maliit na negosyo.
Photo: Mayor Along Malapitan FB