Hari Cudiamat, sinagot ang alegasyon na sobrang paggastos sa kampanya
Paulo Gaborni May 8, 2025 at 04:00 PM
CALOOCAN CITY — Sinagot ni Hari Cudiamat ang mga batikos na ipinost ng Facebook page na “Usapang Politika” ukol sa kanya umanong labis na paggastos sa kampanya. Tumatakbo siyang konsehal sa ikalawang distrito ng lungsod. Binigyang pansin ng post ang pagiging “galante” umano ni Cudiamat, lalo na’t tumatakbo lamang siya bilang konsehal.
Binanggit din sa post na dinaig pa umano ni Cudiamat ang mga kandidatong tumatakbo sa mas mataas na posisyon dahil sa paggastos sa motorcade, concert na may mga kilalang artista gaya ni Andrew E., at maraming giveaways.
Tinatanong din ng page: “May bawi na ba agad? May sikreto ba si Konsi Hari? O may inaasahang balik na mas malaki kaysa sa ginastos?”
Bilang tugon, nilinaw ni Cudiamat na hindi siya gumagastos ng pondo ng gobyerno.
“Wala po akong ginagastos, tumutulong lang tayo. Patunay na handa po akong isakripisyo ang sariling pera para patunayan na ang mga plano at plataporma ay ngayon pa lang magagawa na.”
Ipinagmalaki rin ni Cudiamat na ibinenta niya ang kanyang kotseng corvette upang makabili ng mobile clinic na nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga taga-Caloocan.
“FYI, yung corvette ko po ibinenta ko para pambili ng MOBILE CLINIC para mas marami ang maabot ng serbisyong medical,” wika niya.
Binigyang diin din ni Cudiamat na walang pondo ang isang konsehal kaya’t walang babawiin.
“P.S. Wala pong pondo ang konsehal pag naupo kaya WALA PO TAYONG BABAWIIN O MABABAWI.”
Sa huli, nanawagan si Cudiamat ng pagkakaisa at kabutihan: “Spread love, not war.”
Isinusulong ni Hari Cudiamat ang libreng serbisyong medikal tulad ng ECG, ultrasound, 2D echo, at iba pa.
📷 Hari Cudiamat FB