Health services handog ng Caloocan LGU; Mga nasunugan sa 3 barangay hinatiran ng tulong; Mahigit 100k shabu nasamsam
Reggie Vizmanos February 6, 2024 at 12:03 PMPhotos: Along Malapitan Fb, Congressman Oca Malapitan Fb, CCPS Fb
Maglulunsad ang lokal na pamahalaan ng Caloocan ng Simultaneous One-Stop-Shop Community-Based Health Services o sabay-sabay na paghahandog ng mga serbisyong pangkalusugan sa iba-ibang lugar sa lungsod sa Pebrero 7.
Ayon kay Mayor Along Malapitan, ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-62 anibersaryo ng pagiging lungsod ng Caloocan.
Ang sama-samang health services ay isasagawa sa nasabing petsa simula 8:00 am hanggang 12:00 nn. sa anim na lokasyon:
– Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima, Urduja Village, Barangay 172
– Sto. Niño Parish, Phase 1, Bagong Silang, Barangay 176
– Plaza Rizal, General Luna Street, Barangay 16 – Covered Court, Barangay 83
– Our Lady of Lourdes Parish, Camarin, Barangay 174
– St. Joseph the Worker Parish, Barracks, Barangay 186.
Kabilang sa inihanda ng LGU na mga libreng serbisyo ay: Medical Consultation, Blood Letting, Blood Typing, Blood Sugar Screening, Mobile Chest X-Ray, Routine Immunization , Sagip Mata, Nutrition Services, Sanitation Services, Oral & Dental Services, Bakuna laban sa Cervical Cancer, Sexually Transmitted Diseases Screening, Natural Family Planning, at Risk Assessment.
Photos: Along Malapitan Fb, Congressman Oca Malapitan Fb, CCPS Fb
Samantala, hinatiran ng lokal na pamahalaan ng cash assistance at relief packs ang 13 pamilyang nasalanta ng magkakahiwalay na sunog sa Barangay 174, 175 at 176.Personal na dinala ang tulong ni Congressman Oca Malapitan kasama si Konsehal Enteng Malapitan. Nangako rin si Cong. Malapitan na ilalapit niya sa DSWD ang mga biktima ng sunog upang makakuha sila ng dagdag na tulong para sa kanilang pagbangon mula sa sinapit na trahedya.
Photos: Along Malapitan Fb, Congressman Oca Malapitan Fb, CCPS Fb
Sa iba pang balita, naaresto ng mga operatiba ng Caloocan City Police Station (CCPS) ang Rank 8 Top Most Wanted Person sa lungsod (Station Level) na may kasong Lascivious Conduct o paglabag sa Republic Act (RA) 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.Kinilala ni Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta ang naaresto na si alyas “Jayvin”, 36 anyos, na residente ng Brgy. 167.Sa hiwalay na operasyon ay nasamsam naman ng CCPS ang nasa Php 108,800 na halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang dalawang pusher na may dala nito.
Ayon kay Col. Lacuesta, ang mga naaresto ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).