Isa patay, 22 naospital sa ammonia leak at sunog sa isang ice plant sa Navotas
Arkipelago News June 21, 2023 at 03:35 PMNamatay ang isang 16 years old na babae at 22 na residente naman ang dinala sa ospital dahil sa ammonia leak at sunog na nangyari sa isang ice plant sa M. Naval Street, Barangay NBBN sa Navotas nitong June 20.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog sa Icy Point Cold Storage sa Barangay North Bay Boulevard North (NBBN) ay itinaas sa unang alarma dakong 12:06 a.m. at umakyat sa ikatlong alarma ng 12:33 a.m. Tuluyan itong naapula dakong 1:57 a.m.
Bago nagkasunog, nagkaroon muna ng ammonia leak sa ice plant dakong 11:07 a.m. noong Lunes, June 19. Dinala sa Navotas City Hospital at Tondo Medical Center ang mga residenteng nakalanghap ng gas. Sa Manila Central University Hospital naman itinakbo ang biktimang menor de edad pero kalaunan ay pumanaw na siya.
Ipinasara na ang Icy Point Cold Storage habang isinasagawa ang imbestigasyon ng BFP-Navotas, City Health Office, City Environment and Natural Resources Office at Business Permit and Licensing Office, ayon sa pamahalaang lungsod ng Navotas.
Iniimbestigahan pa rin ng BFP ang halaga ng mga nasirang ari-arian.
Video: April Balansag