Isang milyong pisong insentibo, ipinagkaloob sa mga bagong abogadong graduate ng University of Caloocan City College of Law
Arkipelago News May 25, 2023 at 02:45 PMSa lungsod ng Caloocan, binibigyan ng gantimpala ang pagsisikap, sakripisyo, at paghihirap. Ito ang mabuting balitang natanggap ng pitong bagong abogado na produkto ng University of Caloocan City – College of Law. Paghahati-hatian nila ang isang milyong pisong insentibo na ipinagkaloob ni Mayor Dale “Along” Malapitan.
Nakatapos ng abogasya noong 2022 at nakapasa sa Bar exam nitong Abril 2023 ang mga abogadong sina- Morris James Masalihit, Rey Martin Palisoc, Lyra Valdez, Verona Baladad, Roland Dictado, Misha Ela Ferrer, at Rodrigo Manluctao Jr. Binigyan sila ng pagkilala at isa-isang tinawag sa stage sa flag ceremony sa cityhall noong Lunes. Dumalo rin sa seremonya ang ilang matataas na opisyal ng lungsod tulad nina Congressman Oca Malapitan, Vice Mayor Karina Teh, mga City Councilor, mga opisyal ng barangay, at iba pa.
Sa kanyang talumpati, muling binigkas ni Mayor Malapitan ang pangalan ng pitong bagong abogado. Halatang proud si Mayor sa galing ng mga produkto ng UCC College of Law.
“Nagpapasalamat ako sa inyong sakripisyo, tiyaga at determinasyon. Muli binigyan nyo ng karangalan ang ating unibersidad. Tuwing may mga bago tayong abogado naiisip ko na hindi nasayang ang effort natin noong ako’y konsehal na ipasa ang ordinansang magkaroon ng College of Law sa lungsod ng Caloocan,” ayon kay Mayor.
Inanyayahan din ng alkalde na magtrabaho ang mga bagong abogado sa cityhall.
“Sa ating mga bagong abogado, enjoy the fruits of your hardwork. Kung gusto nyong magserbisyo para sa mga batang Kankaloo bukas po ang cityhall para sa inyo. Mag-aapply ka pa lang tanggap ka na,” pahayag ni Malapitan.
Sa inilabas na pahayag sa Facebook page ng Punong Lungsod nitong Miyerkules, May 24, muling pinasalamatan ni Malapitan ang mga new lawyers ng Caloocan.
“Ang insentibo po na ating inihandog sa kanila ay mula sa pagtutulungan namin ng aking mga kaibigan dahil nais po namin na maiparamdam sa ating mga bagong abogado ang aming taos pusong pasasalamat sa karangalang iniuwi nila sa ating lungsod.”
Itinuturing din ni Mayor Malapitan na ang tagumpay ng bawat isang taga-Caloocan ay tagumpay rin ng buong lungsod. Bakas naman sa mukha ng mga bagong abogado ang kasiyahan sa pagpapahalagang kanilang natanggap.
Photo: Mayor Along Malapitan FB