| Contact Us

Kabataan sa mga community pantry

Arkipelago News April 20, 2021 at 08:59 AM

Umaga pa lang abala na ang magpinsang Lean at Basti. Ngayong araw nagrepack sila ng bigas na ipapamigay sa itinayo nilang community pantry sa Lungsod ng Caloocan.

Ang mga nabalot na tig-iisang kilong bigas dinala nila sa panulukan ng 6th Stree at C3 Road. May isang mahabang lamesa doon na naglalaman ng bigas, gulay, noodles, delata, sabon at iba pa. Doon tutulong naman ang dalawa sa pagbubuhat, pagsasaayos ng pila at pamimigay ng pagkain sa mga nangangailangan.

Sina Lean at Basti ay anak at apo ng mga nag-organisa ng Caloocan Community Pantry. Kasama rin nila sa pagtulong ang kanilang mga kaibigang sina Aaron, Marklionel at Macmac.

Kung titingnang mabuti kung sino ang bumubuo at nagpapatakbo sa mga community pantry sa buong bansa, mapapansin na pinangungunahan o tumutulong sa mga ito ang mga kabataang kabilang sa Millennial at Gen Z.

Sa Maginhawa Community Pantry kung saan nagsimula ang lahat, marami rin ang mga kabataang volunteer na may edad 18 pataas. Mula sa pagbubukas ng pantry sa umaga hanggang sa pagsasara nito sa gabi, tila walang kapaguran ang mga kabataan.

Proud na proud naman ang mga magulang nina Lean at Basti lalo na kapag nakikita nila na ang dalawa pa mismo ang tumatawag sa mga dumadaang nangangalakal at nagtitinda para bigyan ng pagkain.

“Nakakatuwa kasi alam mo na tamang values ang natututunan ng mga bata. Na ngayon pa lang alam nila kung anong hirap ang nangyayari sa bansa natin at kailangang kumilos tayo para makatulong sa pagbabago,” paliwanag ni Lady, ina ni Lean.

Nang tanungin ng Arkipelago News kung bakit sila tumutulong, narito ang tugon ng dalawa.

“Nakakaawa kasi ang mga nangangalakal at nagtitinda. Kahit na sobrang init nagtatrabaho pa rin sila para may maipambili ng pagkain,” ayon kay Lean.

“Masarap din sa pakiramdam na makatulong sa kapwa. At least maging part tayo ng solusyon,” paliwanag naman ni Basti.

Mukhang maganda ang bukas na dala ng mga pag-asa ng bayan.

Salamat kabataan!

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 21 Last