Kakulangan sa pondo dahilan ng pagpapabayad sa workbook sa ilang paaralan sa Caloocan
Reggie Vizmanos March 11, 2024 at 03:33 PMNapilitan lang umano ang ilang titser at opisyal ng paaralan sa Caloocan na pabayaran sa mga estudyante ang workbook para sa Catch-Up Fridays classes dahil hindi sapat ang pondo mula sa Department of Education (DepEd) para sa naturang programa.
Ito ang inihayag sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN ni Benjo Basas, National Chaiman ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), kasunod ng pahayag ng DepEd na iniimbestigahan nito ang mga school personnel kabilang ang isang mataas na opisyal ng eskwelahan sa Caloocan na naniningil umano ng bayad para sa workbook.
Ang Catch-Up Fridays ay bahagi ng tinatawag na learning recovery program na ipinatupad ng DepEd simula noong Enero 12 upang hasain ang mga estudyante sa mga batayang kasanayan partikular sa reading and comprehension (pagbabasa at pag-intindi sa binasa).
Base kasi sa mga pandaigidigang ulat ay ilang taon nang nangungulelat ang mga batang Pilipino sa naturang kasanayan.
Sa joint report ng United Nations Children’s Fund, World Bank, at United Nations’ Educational, Scientific and Cultural Organization noong 2022 na pinamagatang “Where We Are On Recovery,” ay sinabing wala pa umanong 10% ng mga batang Pilipino ang nakababasa ng simpleng tala at nakaiintindi ng simpleng istorya.
Sa pagsusuri naman ng Programme for International Student Assessment (PISA) sa 70 mga bansa ay napansin na ilang taon nang pinakamababa ang score ng mga batang Pilipino sa reading comprehension.
Ayon kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ang tugon sa problemang ito ay ang Catch-Up Fridays program na nagbibigay ng focus sa pagbabasa at iba pang batayang kasanayan ng mga estudyante. Kailangan aniyang maglaan ng isang araw kada linggo (o tuwing Biyernes) sa pag-catch-up o paghahabol ng mga bata sa kasanayan.
Sa ilalim ng programa, ang first half o unang kalahati ng bawat pasok ng mga estudyante tuwing Biyernes ay nakalaan sa National Reading Program o pagbabasa, habang ang second half naman ay para sa values, health, and peace education, pati Homeroom Guidance Program.
Napaulat naman na may mga magulang ng mga estudyante na nagreklamo hinggil sa pagpapabayad umano ng ilang paaralan sa workbook at iba pang ginagamit sa Catch-Up Fridays, at agad inihayag ng DepEd na iimbestigahan nila ito.
Ayon kay Basas, bilang pinuno ng TDC ay nakausap na niya ang naturang opisyal, na isang prinsipal, sa paaralan sa Caloocan at napag-alaman niya na nahaharap ito sa kasong administratibo bagama’t hindi naman pinatawan ng suspensyon taliwas sa mga balita.
Hindi nila umano kino-condone o tinatanggap ang paniningil sa mga istudyante. Pero ang ilang gumagawa nito aniya ay napipilitan lang dahil wala namang sapat na materyales at pondo na inilaan ang DepEd sa nasabing programa.
Sabi niya, “Ang kakulangan ng DepEd sa pag-provide ng materials ay maaaring isang dahilan kung bakit may mga nagpapabayad sa Catch-Up Fridays workbooks. Bagama’t hindi namin kinukunsinte ang ganitong posibleng paglabag sa patakaran, ay nauunawaan namin na ang aming mga kasamahan ay determinadong ipatupad ang programa. Marami nga sa mga titser ay ginagastos ang sarili nilang pera para sa pag-produce at pag-reproduce ng kopya ng workbooks na gagamitin ng mga estudyante.”
Kaugnay nito, nananawagan ang TDC para sa agarang pagpapahinto muna ng Catch-Up Fridays program dahil sa aniya’y kakulangan sa paghahanda nito laluna sa usapin ng pondo.
Bukod aniya sa problema sa pondo, malaking dagdag din na gawain para sa mga titser ang programa.
Giit ni Basas, “Ang mga eskwelahan ay mayroon nang itinakdang mga class schedules ng school year 2023-2024. Kaya ang Catch-Up Fridays ay nakagulo lang sa regular teaching and learning process. Base sa mga nakalap na reports ng TDC, maaring ito ang dahilan kung bakit maraming estudyante ang ayaw nang pumasok tuwing Biyernes, and this defeats the very purpose of the program.”
Naniniwala aniya ang TDC na dapat talagang gumawa ng hakbang o solusyon upang pataasin ang kakayahan ng mga estudyante, at handa ang mga guro na makipagtulungan sa DepEd para rito. Pero kailangan ay idaan ito ng kagawaran sa masusing konsultasyon sa mga guro, magulang at iba pang sektor.
📷: Teachers’ Dignity Coalition FB