Kalusugan para sa Caloocan
Reggie Vizmanos August 19, 2023 at 08:07 PMIsang serye ng mga serbisyong pang-kalusugan para sa mga residente ng Caloocan ang inilunsad ngayong buong linggo ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Dale “Along” Malapitan, ang mga aktibidad na ito ay pangunahing inihanda at ipinatupad ng Caloocan Health Department (CHD).
Noong Agosto 18 ay idinaos nila ang Men’s Congress na kinapapalooban ng iba’t-ibang makabuluhang aktibidad at serbisyo upang mapangalagaan ang mental at pisikal na kalusugan ng mga kalalakihan.
Para rito ay isinagawa ang awareness seminar tungkol sa prostate cancer, Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Sexually Transmitted Infections (STI), gayundin ang tamang pamamahala ng emosyon na apektado ng galit at stress.
Nagdaos din ng libreng HIV testing, counseling, diamond peel, hand paraffin, facial consultation, at cardio exercise.
Una rito, bilang bahagi ng pag-obserba sa National Family Planning Month ngayong Agosto ay nagsagawa rin ang LGU ng Family Planning Caravan na kinatampukan ng mga libreng serbisyo tulad ng HIV testing, counseling, family planning orientation, motorcade, photo booth, at pamamahagi ng condom, contraceptive pills, at educational flyers.
Nagsagawa rin ang Pamahalaang Lungsod ng breastmilk letting at donation activity na aktibong dinaluhan ng mga nanay sa lungsod. Itinuro sa aktibidad ang tamang pamamaraan ng breast feeding at breast pumping.
Photo: Mayor Along Malapitan FB, Caloocan City PIO FB