Kampanyang bawi pirma sa People’s Initiative sa Cha-cha umiikot sa Caloocan
Reggie Vizmanos February 19, 2024 at 05:26 PMPatuloy na umiikot sa Caloocan City ang tinaguriang “Bawi Pirma Kontra Budol” campaign na naglilinaw umano sa taongbayan hinggil sa isinasagawa ng ilang grupo na pagpapapirma sa People’s Initiative (P.I.) petition para sa Charter change o Cha-cha.
Nagpaliwanag sa ARKIPELAGO NEWS CALOOCAN si Atty. Naomi Quimpo tungkol sa kanilang ginagawa. Isa si Quimpo sa mga resource speaker sa “Ang Bawi Pirma Kontra Budol: The People’s Dialogue” at kasalukuyang press relations officer (PRO) ng Integrated Bar of the Philippines Caloocan-Malabon-Navotas (IBP CalMaNa).
“Tinatalakay namin pati kung ano ang ibig sabihin ng Petition to Amend the Constitution. Ine-explain rin po namin kung ano ang Constitution, bakit ito importante sa atin, at paano ang proseso ng Amendment thru Initiative. Nagkakaroon rin po ng Q&A [question and answer] portion sa dulo, kung saan inaanyayahan ang mga manonood na magtanong kung sakaling may hindi pa sila naunawaan.”
Pero hindi umano sapat na ipinapaliwanag sa mga tao ang pagpapapirma na may pangakong ayuda. Ito aniya ang dahilan kaya bakit may mga pumirma sa petisyon na gusto nang bawiin ang kanilang pirma.
Kamakailan ay naglabas ang Comelec ng “Withdrawal Form of Signature in Signature Sheets/Petition for People’s Initiative” para sa mga tao na gusto nang bawiin o ipabalewala ang nauna nilang lagda sa People’s Initiative petition.
Sabi ni Atty. Quimpo, “Mayroon po kaming dalang forms kung sakaling nais nilang bawiin ang kanilang pirma. Halos pareho ng content dun sa form na recently ay ni-release ng Comelec.”