Kauna-unahang PAGCOR multi-purpose evacuation center sa Metro Manila, itatayo na sa Caloocan
Ace Cruz June 18, 2021 at 07:17 AM
Makasisiguro ang mga residente ng Lungsod ng Caloocan na may matutuluyan sila sa oras na may tumamang kalamidad sa kanilang lugar.
Ito’y dahil sa Caloocan City itatayo ang isang evacuation center ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Pangunahan ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng dalawang palapag na multi-purpose evacuation center sa Phase 1 sa Barangay 171 sa lungsod.

Ang naturang proyekto na nagkakahalaga ng P50-milyon ay pinondohan ng PAGCOR.
Oras na maitayo ang proyekto, ito ang magiging kauna-unahang PAGCOR multi-purpose rescue building sa buong Metro Manila kung kaya’t labis ang pasasalamat ni Malapitan sa PAGCOR sa pagpili nito sa lungsod para maging benepisyaryo ng naturang proyekto.
Dagdag pa ni Malapitan, ang naturang proyekto ng PAGCOR ay tiyak na makatutulong sa mga residente ng lungsod lalo na sa mapanghamong panahon ng COVID-19 pandemic, gayundin ang pagsabay ng mga hindi kanais-nais na pangyayari tulad ng lindol, sunog at bagyo na kakailanganing ilikas ang mga residente ng lungsod para mailayo sila sa panganib.

“Mapalad po ang Lungsod ng Caloocan sapagkat tiyak na makatutulong ito sa ating Disaster Management and Rescue Operations na siyang magsisilbing ligtas na kanlungan ng ating mga mamamayan sa oras ng pangangailangan,” ayon sa alkalde.
Kasama rin sa groundbreaking ceremony sina Congressman Along Malapitan, PAGCOR Chairperson and CEO Andrea Domingo, City Disaster Risk Reduction and Management Office head Dr. James Lao at iba pang opisyal ng lungsod at ng PAGCOR.
Photo courtesy of Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan Fb Page