Lalaki ibinigay bilang donasyon ang pinagbentahan niya ng kalakal
Arkipelago News April 22, 2021 at 03:37 PM46 pesos ang kinita ni Manong Romeo mula sa pangangalakal ng bakal. Pero imbis na ipambili ng pagkain at iuwi sa kanyang pamilya, ibinigay niya ito lahat sa isang community pantry sa Quezon City.
Ayon sa Facebook post ng Integrated Center for the Young (ICY), isang paaralan sa Tandang Sora, Quezon City, nagpunta raw sa kanila si Manong Romeo kagabi, April 21. Noong una raw, ang akala nila ay manghihingi siya ng ayuda mula sa kanilang community pantry. Sarado na raw ito ng mga oras na iyon.
Pero nagulat daw sila nang imbis manghingi, si Manong Romeo pa ang nagbigay.
“Imagine our surprise, when instead, he handed Kuya Dodoy P46 pesos in small bills and some loose change. He said he wanted to help in any way he can, so he sold metal scraps and donated what little money he raised,” sinabi pa sa post ng ICY.
Ayon sa impormasyong ibinigay ng ICY sa Arkipelago News, nakatira malapit sa kanila si Manong Romeo at 56 years old na raw siya. Nagtrabaho raw siya dati sa Metro Manila Development Authority (MMDA) bilang traffic enforcer, “Pero tumigil kasi lagi daw siyang sinusuhulan kapag may hinuhuli. Ayaw daw niyang ang kanyang ipapakain sa mga anak niya ay magmula sa ganito,” kuwento ng ICY.
Naging mekaniko raw ng motorsiklo si Manong Romeo pero kasama siya sa milyon-milyong Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
“Ngayon, nangangalakal na lamang siya para kumita,” dagdag pa ng ICY.
Natuwa raw sila sa ginawa ni Manong Romeo kaya binigyan nila ng isang bag ng iba’t ibang pagkain at pera mula sa hindi nagpakilalang donor.
“Salamat po, Manong Romeo. Isa kang tunay na bayani!” isinulat pa ng ICY.
Photo courtesy of ICY FB page.