Libreng online consultation para sa mga Persons Deprived of Liberty sa Caloocan City jail
Ace Cruz September 15, 2021 at 06:06 PMNagsagawa ng libreng teledermatology consultation o check-up sa balat ng mga Persons Deprived of Liberty o PDLs sa Caloocan City Jail kamakailan.
Ito’y sa pamamagitang ng pinagsanib na pwersa ng ilang espesyalista mula sa Caloocan City Medical Center, Philippine Dermatologic Society Outreach Committee gayundin, at ang Valenzuela Medical Center.
Sa inilabas na tala ng Caloocan City Public Information Office, umabot sa dalawampung PDLs ang nabiyayaan ng libreng konsulta sa balat na pawang makakatanggap ng mga gamot na inireseta ng mga espesyalista para tuluyang magamot ang kanilang sakit.
Bago magkaroon ng COVID-19 sa bansa, ang mga doktor sa balat o dermatologist ang pumupunta sa mga selda ng Caloocan City Jail para isagawa ang libreng check-up.
Magpapatuloy pa rin ang pagdaraos ng libreng online consultation kada linggo nang sa ganoon anila ay mas maabot pa ang mas maraming PDLs.
Kasunod nito, taos-pusong nagpaabot ng pasasalamat si Caloocan City Mayor Oca Malapitan sa aniya’y hindi matatawarang dedikasyon ng mga doktor na buong pusong ginagampanan ang kanilang tungkulin sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.
“Maraming salamat sa makabuluhang programang ito. Makakatutulong ito sa mga PDL upang maiwasan o gumaling ang kanilang mga nakukuhang sakit sa balat,” ani Malapitan.
Binigyang diin ng alkalde na sa gitna ng pandemya ay hindi dapat makalimutan ang kapakanan ng mga PDLs.
“Naniniwala ako na sa kabila ng pandemya, tunay na kinakailangan pa rin natin lingapin at pagmalasakitan ang lahat ng nasa ating lipunan,” dagdag ng Punong-Lungsod.
Photo courtesy of Mayor Oscar Malapitan Fb Page