Libreng serbisyong medikal sa CCMC; Ilang komunidad nakabitan ng kuryente dahil sa Caloocan LGU at One Meralco Foundation
Reggie Vismano February 22, 2024 at 05:52 PMNagpapatuloy pa rin ang libreng serbisyong medikal sa Caloocan City Medical Center (CCMC) – South.
Ang naturang free medical services mula Pebrero 20 hanggang Pebrero 23 ay handog ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng 62nd Cityhood Anniversary ng lungsod.
Pinamumunuan ni CCMC Director, Dr. Fernando Santos, ang pagbibigay ng libreng medical services sa pamamagitan ng Department of OB-GYN, Rehabilitation Medicine, Ophthalmology Service, Dermatology Service, Dept. of Laboratory, Dept. of Radiology, Dept. of Internal Medicine, at Dept. of Surgery.
Samantala, nagsanib-puwersa ang Caloocan LGU at ang One Meralco Foundation para makabitan ng linya ng kuryente ang ilang komunidad sa lungsod partikular sa North Triangle Homes, Barangay 177.
Idinaos ang Ceremonial Lighting bilang hudyat ng pormal na pagsasagawa ng programang Community Electrification ng kumpanya na sinaksihan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Mayor Along Malapitan at Congressman Oca Malapitan.
Lubos na nagpasalamat sa One Meralco Foundation at sa LGU si Brgy. Captain Donna De Gana Jarito at ang Barangay Council dahil malaking tulong anila ang naturang programa sa mga pamilya at pamayanang nagiging benepisyaryo nito.