Libreng serbisyong pangkalusugan, mas pinalawak sa Pasig sa pamamagitan ng YAKAP
Angelo Calixtro February 19, 2026 at 06:49 PM
PASIG CITY — Mas pinalalawak ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang access ng mga residente sa libreng serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa isinagawang lingguhang flag-raising ceremony noong Pebrero 16, nagsilbing panauhin si Lorenzo Diga, Social Health Insurance Officer mula sa PhilHealth Local Health Insurance Office – Pasig, upang ipaliwanag ang mga benepisyo ng YAKAP at hikayatin ang mas malawak na partisipasyon ng mga Pasigueño.
Ayon kay Diga, bukod sa pagdiriwang ng araw ng mga puso, ginugunita rin tuwing Pebrero ang National Health Insurance Month bilang paalala sa kahalagahan ng pagkakaroon ng social health insurance upang matiyak ang pantay na access sa serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino.
Binigyang-diin niya na ang primary care ang pundasyon ng makatarungang sistemang pangkalusugan. Sa ilalim ng YAKAP, mas napapadali ang pagkuha ng libreng check-up at konsultasyon, gamot, at iba’t ibang laboratory at diagnostic tests sa mga accredited health facilities sa komunidad.
Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod at PhilHealth, layunin ng programa na mas mailapit ang dekalidad at libreng serbisyong pangkalusugan sa bawat Pasigueño.
Samantala, kasabay ng National Health Insurance Month ay ipinagdiriwang din ang National Oral Health Month. Nagpaalala ang City Health Department – Dental Section sa pangunguna ni Bea Magpali na mahalagang bahagi ng pangkalahatang kalusugan ang pangangalaga sa ngipin.
Bilang bahagi ng selebrasyon, inaanyayahan ang publiko na lumahok sa kauna-unahang Oral Health Fun Run sa Pasig sa Pebrero 21, 2026, na may temang “Takbo para sa #NgitingPasigueño,” upang isulong ang malusog na pamumuhay at mas mataas na kamalayan sa kahalagahan ng oral health.
📷 Pasig City Public Information Office