Lockdown sa dalawang barangay sa Lungsod ng Caloocan
Ace Cruz September 2, 2021 at 06:16 PMSa inilabas na abiso ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan, iiral ang granular lockdown sa barangay 123 at barangay 179 ganap na 12:01 ng hatinggabi ng Setyembre 3, 2021, at magtatagal ito hanggang 11:59 ng gabi ng Setyembre 9, 2021.
Kabilang sa mga kalyeng isasara sa Barangay 123 ang mga sumusunod:
- 5th Street
- Magsaysay Street
- 6th Street
- C3-Road
Isasara rin pansamantala ang ilang kalye sa Barangay 179 na kinabibilangan naman ng:
- Panay
- Guinugitan
- Masbate
- Victoria sa H. Dela Costa Homes
Sang-ayon sa inilabas na kautusan ni Malapitan, isinailalim sa paghihigpit ang mga nabanggit na kalye sa barangay 123 matapos itong makapagtala ng anim na aktibong kaso ng COVID-19, at hindi naman bababa sa 119 naging close contacts nito.
Habang nakapagtala naman ng 16 na aktibong kaso ng COVID-19 sa Barangay 179 at may 103 na mga close contacts.
Kasunod nito, ipinag-utos ng alkalde ang malawakang contact tracing sa mga residente at disinfection sa lugar.
Dahil dito, tanging ang mga authorized persons outside of residence o APOR ang papayagang makalabas ng kanilang tahanan maging ang mga nangangailangan ng atensyong medikal.
Tiniyak naman ni Malapitan na sa pag-iral ng granular lockdown ay mamamahagi sila ng food packs sa mga apektadong pamilya.
Samantala, pinulong naman ng alkalde ang mga kapitan ng dalawang barangay para agad abisuhan ang kani-kanilang mga residente.
“Pinulong natin kahapon ang mga kapitan ng apektadong mga barangay upang kaagad na mkaapaghanda at maabisuhan ang mga residente. Sa ating mga mamamayan, patuloy po tayong humihingi ng pang-unawa at kooperasyon sa upang mapigilan natin ang patuloy na hawahan at pagdami ng mga tinatamaan ng sakit,” pahayag ng alkalde.