Lungsod ng Malolos, pinarangalan ang centenarian mula sa Brgy. Bulihan
Angelo Calixtro February 20, 2026 at 10:17 PM
MALOLOS CITY, Bulacan — Isang sentenaryang residente ng Barangay Bulihan ang pinarangalan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos kaugnay ng pagdiriwang ng kanyang ika-100 taong kaarawan.
Kinilala si Purisima B. Gandara, na ipinanganak sa Bacolod at kasalukuyang naninirahan sa naturang barangay matapos siyang dalhin sa Malolos ng kanyang anak na nagtatrabaho sa lungsod.
Sa kabila ng paglipat ng tirahan, naging bahagi na siya ng komunidad at itinuturing na isa sa pinakamatatandang residente ng lugar.
Bilang bahagi ng Centenarian Recognition Program ng lungsod, personal na iniabot ang tseke ng benepisyo kay Gandara ni Fernando Durupa, Chief of Staff ng Mayor’s Office.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng programa na magbigay-pugay at suporta sa mga matatandang umabot sa isang siglo ng buhay bilang pagkilala sa kanilang ambag at naging bahagi sa kasaysayan ng komunidad.
Dumalo rin sa simpleng seremonya sina Lolit SP. Santos ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), Punong Barangay Luisito Zuniga, at mga kinatawan ng Office of the Senior Citizens Affairs.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang naturang pagkilala ay patunay ng patuloy nitong pagpapahalaga sa kapakanan at dignidad ng mga senior citizen sa lungsod.
📷 City of Malolos Information Office