Madugong pagbomba sa misa sa MSU kinondena ni CBCP President at Caloocan Bishop David
Reggie Vizmanos December 4, 2023 at 06:25 PM
Kinondena ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang madugong pagpapasabog ng bomba sa kalagitnaan ng Catholic mass na ginanap sa gymnasium ng Marawi State University (MSU) sa lungsod ng Marawi. Apat ang nasawi at aabot sa 50 ang nasugatan sa naganap na pag-atake.
Kasakuluyan nang iniimbestigahan ng awtoridad ang ilang persons of interest. Sa press conference ng Department of National Defense, sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na may indikasyon na foreign terrorist ang gumawa ng pag-atake. Hindi siya nagbigay ng iba pang detalye para hindi aniya maapektuhan ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
Inako naman ng Islamic State militants ang responsibilidad sa madugong pambobomba nitong Lunes ng umaga. Sa isang pahayag sa messaging app na Telegram, sinabi nilang mga miyembro nila ang nagpasabog ng bomba sa gymnasium.
Naglabas naman ang CBCP ng madamdaming pahayag tungkol sa pangyayari.
Napuna ng CBCP na isinagawa ang pambobomba noong umaga ng Linggo habang ginaganap sa gymnasium ng MSU ang Misa sa Unang Linggo ng Adbiyento. Ayon sa CBCP, itinaon ng mga salarin sa banal na okasyon ang pagpapasabog ng bomba.
Ayon sa CBCP, “Surely, the killers who precipitated such a horrendous act of violence have their loved ones too. What would it take to get them to see in the families of their victims their own families? Such violence should not only be denounced; it should also be renounced as a way of seeking redress by every peace-loving Filipino.” (Tiyak, ang mga gumawa ng nakakikilabot na karahasan na ito ay mayroon ding pamilya. Ano ang kailangang gawin upang makita nila sa pamilya ng kanilang mga biktima ang sarili nilang pamilya? Ang ganitong karahasan ay hindi lang dapat kondenahin kundi kailangan ding itakwil ng sinumang Pilipinong nagmamahal sa kapayapaan bilang paraan sa paghahanap ng solusyon sa problema).
Katatapos lang ng pag-obserba noong Nobyembre 29 ng “Red Wednesday” bilang pag-alala sa mga kapuwa-Kristiyano na para sa kanilang pananalig ay nagdusa sa karahasan at pagmamalupit sa iba-ibang lugar sa mundo. Kabilang sa kanila ang mga biktima ng pambobomba sa MSU.
Umaasa rin ang CBCP na ang mga salarin ay masasaling pa rin ang konsyensya, “Violence has no place in a civilized society, and it is particularly abhorrent in an institution of higher learning like MSU, a bulwark of peace, harmony, solidarity, reverence for life and humanity. This attack is an assault on our core values and our commitment to creating a safe and inclusive community for all.” (Ang karahasan ay walang puwang sa sibilisadong lipunan, at lalo itong kasuklam-suklam sa isang institusyon ng mataas na pag-aaral tulad ng MSU na isang balwarte ng kapayapaan, pagkakasundo, pagkakaisa at paggalang sa buhay at sa sangkatauhan. Ang pagpapasabog ay pag-atake sa mismong mga batayang pinapahalagahan natin sa buhay at sa ating pinaninindigang paglikha ng ligtas at inklusibong komunidad para sa lahat.)
Nananalangin ang CBCP para sa mapayapang pamamahinga ng mga nasawi sa pambobomba, at para sa paggaling ng mga nasugatan.
Contributed photo